Advertisers
DISMAYADUNG-DISMAYADO si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyayari sa Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero dahil patuloy ang korapsyon sa ahensiya.
Ang matindi, hindi matigil-tigil ang pagpasok ng iligal na droga sa iba’t ibang pantalang pinangangasiwaan ng BOC.
Syempre, patuloy pa rin ang ismagling, lalo na ng mga bigas at sigarilyo.
Noong panahon nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña, napakalala rin ng korapsyon, ismagling at pagpasok ng iligal na droga.
Hindi talaga gusto ni Duterte ang patuloy na pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
Kitang-kita ito sa direktiba ni Duterte kay Guerrero nitong Agosto 31.
Sabi ni Duterte kay Jagger: “shape up!”
Tapos, pinapapatay ni Digong kay Jagger ang mga sangkot sa iligal na droga.
“I told him straight, [drugs are] still flowing inside the country, in customs…, ‘Didn’t he ask for guns?’ I said, ‘I approved the purchase of firearms and until now, you have not killed even a single person?’ I told him, ‘Shape up,’” banggit ni Duterte kay Guerrero.
“I told him, ‘Drugs are still coming in. I want you to kill. I will back you up. You won’t go to jail. As long as it’s illegal drugs, shoot them, kill them.’ That’s the deal,” patuloy na utos ni Duterte kay Guerrero.
Galit talaga si Digong.
Pero, masuwerte si Guerrero dahil hindi siya pinagmumura ni Duterte.
Hindi tulad ni Teodoro Jumamil na pinagmumura at ipinatanggal ni Duterte dahil sa pagkakasangkot daw nito sa talamak na korapsyon sa BOC.
Kita n’yo, chief of staff ni Guerrero, pero pinagmumura ng pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Pero, ang boss ni Jumamil ay hindi nakatikim ng mura – at hindi pa rin sinibak sa puwesto.
Porakagat na ‘yan!
Si Jumamil pala na COS lang ni Guerrero ang katungkulan ang siya pang sobrang korap?!
Pokaragat na ‘yan!
Sa ganyang klase ng direktiba ni Duterte, nangangahulugang ‘huling tsansa’ na ni Guerrero para tumagal pa sa BOC?
Naniniwala ako sa sinasabi ni Duterte na pumapasok ang iligal na droga sa bansa, sa pamamagitan ng mga pantalang hawak at kontrolado ng BOC dahil napakaraming shabu ang nakakalat sa maraming bahagi ng bansa, lalo na sa National Capital Region.
Araw-araw mayroong nahuhuling tulak at adik ang iba’t ibang yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Hindi nga lang araw-araw, ngunit mayroong mga nasasakote ring mga tulak at adik ang mga pulis ng Bulacan at Cavite.
Sa bawat nahuhuli ng mga pulis, napakalaking halaga ng droga ang nakukumpiska nila.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva, wala nang shabu lab sa bansa.
Mabuti naman kung ganoon.
Saan ngayon galing ang shabu na araw-araw nakukumpiska ng mga pulis?
Kung hindi ako nagkakamali, umaabot sa P10 bilyon ang intelligence fund ng Office of the President (OP), kaya naniniwala akong ‘mahusay’ at ‘matalas’ ang intel men ni Duterte.
Kaya, korek ang impormasyon ni Duterte na dumadaan sa mga pantalan ng BOC ang mga shabu, cocaine, ecstasy at iba pang party drugs papasok sa bansa.
Ngayon, bahala na si Guerrero at ang kanyang intelligence unit sa pagpatay sa mga taong nagpapasok ng iligal na droga sa bansa.
Si Guerrero na rin ang bahala sa mga taga-BOC na kasapakat ng mga taong ito.
Ipapaalala ko lang na mayroon nang “green light” si Duterte kay Guerrero na pumatay.