Advertisers
POSIBLENG magdulot ng respiratory problems at iba pang isyung pangkalusugan sa isang tao ang pagkalanghap ng mga dinurog na dolomite rock sa Manila Bay, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Ang dolomite rock ay ang materyales na mula sa Cebu City at dinurog upang magkaroon ng artipisyal na puting buhangin sa pampang ng Manila Bay.
Ito ay bahagi ng P389-milyong beach nourishment project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang i-rehabilitate ang Manila Bay.
Inuulan ito ng batikos dahil hindi umano ito napapanahon ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa buong mundo.
Sa isang online briefing, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na base sa pag-aaral at medical literature, ang dolomite kapag nalanghap ng tao ay may masamang epekto sa respiratory system.
Ayon kay Vergeire, maaari rin itong magdulot ng iritasyon kapag napunta sa mata o di kaya ay gastro-intestinal discomfort, pagsakit ng tiyan at pagtatae sa isang indibidwal.
Sa kabila nito, naniniwala naman si Vergeire na pinag-aralan naman ng DENR ang kanilang hakbang na lagyan ng artipisyal na buhangin ang Manila Bay, bago nila ito isinagawa.
Pinayuhan na lamang niya ang mga mamamayan na obserbahan ang minimum health standards upang makaiwas sa epekto ng dolomite sa Manila Bay sa kanilang kalusugan. (Andi Garcia/Jonah Mallari)