Advertisers
NANINIWALA si Senate President Vicente Sotto III na posibleng magbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III at maaaring sibakin sa puwesto kapag nabasa na nito ang kabuuang report ng Senate committee of the whole kaugnay sa kontrobersya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“Ang ine-expect ko kapag nakita ng Pangulo ang punto namin, magbabago ang pananaw ng Pangulo,” wika ni Sotto.
“Maaaring may tiwala pa rin siya, pero may mga bagay na dapat mong harapin, dahil ika nga labag sa batas eh,” sabi ng Pangulo ng Senado.
Ginawa ni Sotto ang pahayag kasunod na rin ng inilabas na report ng Senate committee of the whole na nagrerekomenda na sampahan ng kasong kriminal at administratibo laban kay Duque, bilang chairman ng PhilHealth board.
Una nang inihayag ni Sotto na aabot sa 632 kasong negligence na nakatakda sa Article 217 ng Revised Penal Code hinggil sa maanomalyang pagpapalabas ng higit 14.8 bilyong pisong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang kakaharapin ni Duque III.
Ayon kay Sotto, hindi puwedeng gamiting excuse ni Duque na wala itong pinirmahang dokumento o sangkot sa pagpapalabas ng pondo bilang chairman ng PhilHealth board, dahil wala naman siyang kapangyarihang bomoto.
“Hindi pwedeng excuse yun pag ginamit mong excuse yun, you are pleading guilty to the Revised Penal Code Article 217 dahil negligence. Hindi pwede. I think they better come up with a better excuse, hindi excuse yun. Imposible unless ipipilit mo nga na hindi mo alam, then you are pleading guilty to 217. Negligent ka.,” ayon pa kay Sotto.
Giit pa ni Sotto, batid ni Duque ang galaw ng PhilHealth dahil siya ang presiding officer kaya’t mali ang katuwiran na wala siyang kasong kapabayaan.
Samantala, sinabi pa ni Sotto na kanyang inaasahan, na walang maaalis na probisyon sa committee report ng Senate Committee of the Whole, na nagrekomenda sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo kina Duque, Morales at ilan pang opisyal at empleyado ng PhilHealth na sangkot sa anomalya. (Mylene Alfonso)