Advertisers
ISANG bago, high-tech COVID laboratory bukod pa sa umiiral ng laboratoryo ang itatayo sa Sta. Ana Hospital, upang higit na lumakas ang kakayahan ng pamahalaang lungsod sa pagsusuri ng hanggang isang libong mga residente pero mataas at mahusay ang kalidad.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Isko Moreno, na nagsabi rin na siya kabilang sina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang, ay tinanggap ang dalawang makinang donasyon sa pamamagitan ng simpleng turn-over ceremony kamakailan sa Manila City Hall.
Ang mga dinonate na makina, ayon kay Ang ay tinawag na, ‘’Daan Natch CS Extraction Machines.’ Ang bawat isa nito ay may fully-automated nucleic acid extraction system na epektibo tutupad ng hangarin ni Moreno na makapag-test ng mas maraming residente araw-araw at gamit ang mas accurate na confirmatory method sa pamamagitan ng swabbing.
At habang taos pusong nagpapasalamat ang alkalde sa pambansang pamahalaan sa kanilang donasyon ay nagpahayag din ng pasasalamat si Moreno sa Ayala Foundation and its group of companies sa pag-aalok na pasanin ang gastusin sa pagtatayo ng bagong laboratoryo na umaabot sa halagang P7.8 million.
Ayon kay Moreno, mahal ang pagtatayo ng laboratoryo, dahil aniya bukod sa kinakailanganG gamit na i-installed sa loob ay kailangan din na regular ang bentilasyon nito upang matiyak ang proteksyon at kaligtasan ng mga medical frontliners sa impeksyon dahil sila ang magpapatakbo nito.
Tiniyak naman ni Moreno sa pambansang pamahalaan at Ayala Group na gagamitin niya ang bagong pasilidad upang makapagbigay ng libre at mataas na kalidad na pamamaraan ng confirmatory testing para sa kapakanan ng mamamayan ng Maynila.
Sinabi ng alkalde na sa pamamagitan ng dalawang bagong makina ay magagawa na ng pamahalaang lungsod na makapagsuri ng hanggang 1,000 katao araw-araw. Sa kasalukuyan ay nakakapagsuri lamang ng 200 hanggang 250 katao araw-araw ng libre ang existing laboratory.
Ayon pa kay Moreno ay gusto niya na pagkalooban ang lahat ng pasyente ng COVID ng pagkakataon na gumaling sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng lahat ng medical institutions ng lungsod sa lahat ng aspeto, mula sa pagsusuri hanggang sa gamutan. (Andi Garcia)