Advertisers
CAMP PACIANO RIZAL – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang opisyal ng Department of Environment and National Resources (DENR) matapos tambangan sa bahagi ng Barangay Masaya, Bay, Laguna, Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Police Maj. Jose Tucio, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Joseph Erwin Mata Blanca, 43, land inspector ng DENR, at residente ng 11 Int. 1, Unson St., Brgy. II-C, San Pablo City.
Mapalad namang nakaligtas ang kasamahan sa trabaho ni Blanca na si Ann Leonar Chico na hindi idinamay sa pamamaril ng gunman na nakasuot ng kulay skyblue na tshirt at lulan ng kulay asul na motorsiklo na tumakas patungo sa bayan ng Calauan.
Sa pagsisiyasat ni SSgt. Reden Cadsawan, may hawak ng kaso, naganap ang pananambang 5:30 ng hapon. Pauwi na ang biktima sakay ng kanyang kulay puting kotse na Nissan Sentra nang dikitan at pagbabarilin ng nakamotorsiklong gunman sa bahagi ng Brgy. Masaya.
Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala ng baril sa kanyang leeg mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril na agad nitong ikinamatay.
Kasalukuyang pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen. (DICK GARAY)