Advertisers
Sinimulan na ng House Committee on Appropriations ang pagtalakay sa P4.506 Trillion 2021 National Expenditure Program (NEP).
Kaiba sa mga nakaraang budget hearings, 50 katao lamang ang physically present sa Kamara, kasama na dito ang mga kinatawan ng bawat ahensya habang ang ibang mga mambabatas ay makikibahagi gamit ang videoconferencing.
Binuksan din ng House of Representatives sa publiko ang pakikibahagi sa deliberasyon ng pambansang pondo gamit ang social media at pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang kinatawan.
Inaaral din ang pagbuo ng hiwalay na message board at bagong social media account para mas maraming participants pa ang ma-accommodate sa budget hearing.
Samantala, nagbabala muli si House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga ahensya na sa pagsalang nila sa budget hearing ay hindi lang basta pondo ang kailangan nilang depensahan kundi maging ang kanilang mga naging aksyon o response sa pagbibigay serbisyo sa publiko.
Aniya, kung mapatutunayang may pagkukulang o kabagalan ang mga ahensya ay tiyak na magigisa ang mga ito sa pagdinig.
Unang sumalang sa budget presentation ang mga ahensyang nasa ilalim ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Kabilang sa mga dumalo ngayong Biyernes, September 4 ay sina Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez, acting Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno.
Ang 2021 national budget ay mas mataas ng 9.9 percent kumpara sa 2020 budget.
Tulad ng mga nakaraang NEP, DEPED pa rin ang nangunguna sa mga ahensya na may pinakamalaking pondo na mayroong P754.4 billion; DPWH P667.3B; DILG P246.1B; DND P209.1B; DOH P203.1b; DSWD PP171.2B; DOTR P143.6B; DA P66.4B
DOJ P43.5B at DOLE na mayroong P27.5B. (Henry Padilla)