Advertisers
Una sa lahat, congratulations kay Police Lieutenant General Camilo Cascolan sa pagkakatalaga niya bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Bagama’t siya ay nakatakdang magretiro sa Nobyembre liban na lang kung magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na i-extend ang kanyang termino, marami siyang planong inilatag kasama na ang pagbabalik ng buong pagtitiwala ng tao sa PNP, pagtutuon ng atensyon sa mga tinatawag na ‘high value targets’ at pagpapaigting ng ‘internal cleansing’ sa hanay ng PNP.
Bago naitalaga bilang PNP chief, si Cascolan ay nasa ikalawang pinakamataas na puwesto sa PNP bilang deputy chief for administration.
Bilang ikaapat na PNP chief na naitalaga sa ilalim ng administrasyong Duterte, si Cascolan, na may palayaw na ‘Picoy,’ ay miyembro ng Philippine Military Academy’s “Sinagtala” Class of 1986 gaya ng kanyang sinundan na sina Archie Gamboa, Oscar Albayalde at Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa kanyang napiling karera, napakahaba ng listahan ng kanyang mga naging parangal at medalya gayundin ang kanyang mga katangian o ‘professional eligibilities’ bilang serbisyo publiko, partikular na bilang miyembro ng kapulisan.
Napakarami rin niyang hinawakang posisyon kung saan sa bawat isa sa mga ito ay nagpakita siya ng kagalingan at nag-iwan ng marka.
Nag-umpisa ang kanyang police career bilang isang Junior Officer ng Special Action Company, RECOM 12, sa Parang, Maguindanao mula May 1986 hanggang December 1987 at Operations Officer ng noon ay bagong-tatag na RSAF. Sa Malabang, Lanao del Sur, nakakumpiska siya ng mahigit 100 na long, high-powered firearms.
Ang Taguig City ay itinanghal din bilang ‘Best Police Station in Southern Police District’ nung siya ang maupo doon bilang chief of police mula 2008 hanggang 2010.
Bago maitalagang PNP chief, pinamumunuan din ni Cascolan ang Admin Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF) na siyang nag-aasikaso ng mga ‘administrative concerns’ ng mga pulis na idine-deploy sa implementasyon ng quarantine protocols.
Kaya naman itutuloy din daw niya ang pagsusulong ng mga inisyatibo upang makatulong sa pagpigil ng paglaganap ng coronavirus.
Kasabay niyan ay sisikapin daw ni Cascolan na mas mapabuti ang serbisyo at imahe ng PNP habang kanyang pinapatag ang daan para sa isang maayos na ‘transition’ kapag dumating na ang oras ng kanyang pagreretiro.
Isang beses ko lamang nakadaupang-palad si Cascolan at ‘yan ay nang magkaroon kami ng isang agahan kasama si dating Mayor Fred Lim at si Maj. Rolando Lorenzo, Jr. na kasalukuyang hepe ng Quezon City Hall police detachment.
Si Cascolan nung oras na yun ay kaka-promote lang ng 1 star general. At hepe siya ng Deputy Regional Director for Admin (DRDA) Police Regional office 6 (PRO6).
Wala kang masasabi sa pagkatao ni Cascolan dahil mapagkumbaba ito, matalino at talagang kagalang-galang sa kanyang mga kilos at pananalita.
Malamang ay magtagumpay siya sa kanyang mga plano para sa PNP at sa masang Pilipino.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 09175225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.