Advertisers
Nitong pagpasok ng September hindi inialis ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kamaynilaan sa ilalim ng General Community Quarantine, bagkus ay ginawa pa niyang isang buwan o hanggang katapusan ng buwan ang nasabing level ng quarantine. Hindi gaya ng huling tatlong buwan na nakaraan ay dalawang linggo lamang ang kada level ng quarantine ang kanyang ipinatutupad.
Mas makabubuti nga raw kung tuluyan ng isang buwan ang pagsasailalim ng bawat lugar sa klase ng quarantine, ayon sa mga ekspertong bumubuo ng Inter-Agency Task Force COVID-19 na naging kautusan din ni Pangulong Duterte.
Nangangahulugan na tayo ay isang buwan pa ring susunod sa mga alituntunin ng GCQ. Quarantine na may kaunting kaluwagan sa ating mga pagalaw, ngunit may mga alituntunin na dapat din nating sundin, gaya ng mga minimum at maximum health protocol na tinatawag.
Di ko na babanggitin kung anu-ano ang mga pag-iingat na ito. Siguro naman sa loob na halos ng limang buwan ng quarantine ay nakabisado niyo na ang mga dapat na pag-iingat na gagawin para makaiwas sa nakahahawa at nakamamatay na virus na COVID-19.
Kung nagawa na natin ang mga pag-iingat sa loob ng limang buwan bakit di natin kakayanin ang isa pang buwan, para na rin sa sarili nating kaligtasan. Ang GCQ ay hindi naiiba sa iba pang klase o level ng quarantine, dahil ang panganib na dala ng virus ay nariyan pa rin.
Ang isang buwan pang pagsasailalim sa atin sa GCQ dito sa Metro Manila ay makakapagbigay din ng tamang panahon para sa ating mga mayor at local government units’ (LGUs) na paigtingin ang kani-kanilang mga paraan para labanan ang virus.
Dito rin natin makikita kung gaano kagaling ang ating mga punong lungsod. Mga metro mayor na parang nagpapagalingan sa paghawak ng kaso ng COVID-19. Ngunit hindi natin dapat tingnan sa ganung anggulo, lahat naman sila ay magaling at ginagawa ang kanilang makakaya maiiwas lang ang kanilang nasasakupan sa paglaganap ng COVID-19 sa kanilang mga siyudad.
Kung baga, nasa kanila na ang bola, ang pagbabantay, ang pag-aasikaso, ang pagbibigay ng tulong sa kanilang mamamayan sa gitna pa rin ng pandemiya. Siyempre katuwang na rin ang pamahalaang nasyunal. At sa tulong-tulong naman talaga, gaya mo, gaya ko, at ng bawat Filipino na susunod ng mga alituntunin ng quarantine, pihadong mapagtatagumpayan natin ang laban sa COVID-19. Ang iyong pakikisama ay malaking bagay na.