Advertisers

Advertisers

AKSYON VS “BURIKI” SA LIPA AT TANAUAN!

0 624

Advertisers

SIR SIKRETA, Sana ay mapaaksyunan kina PNP Region 4-A Director PBG Vicente Danao, Jr., Batangas Provincial Director, PCol Rex Arvin T. Malimban at sa mga hepe ng kapulisan ng Lungsod ng Lipa at Tanauan ang napaka-delikadong bentahan ng mga nakaw at tingi-tinging petroleum product sa maraming Brgy. sa Lipa City at sa siyudad ng Tanauan.

Isa po akong operator ng cargo truck at passenger jeep na napeperwisyo ng mga nagpapatakbo ng illegal petroleum outlet na matatagpuan sa Brgy. Bolbok, Lipa City.

May mga pwesto rin sila sa Poblacion 1- Poblacion 12, San Carlos, Balintawak, Sabang, Bulacnin, Anilao, Anilao Labac, Bagong Pook, Bulaklakan, Dagatan, Calamias, Antipolo del Norte, Antipolo del Sur, Cumba, Tambo, Pinagkawitan, Inosluban, Kayumanggi, Mabini, Banay-banay, Pangao, Sampaguita, Santo Toribio, Pinagtungolan, Bugtong na Pulo, Lodlod, Pusil, San Sebastian, San Benito, at iba pang mga lugar sa Lipa City.



Sa Tanauan City ay may pwesto rin ang operator nitong sina alias Estolano at Robert sa mga Brgy. Santor, Ulango, Balele, Poblacion1- Poblacion 7, Sambat, Darasa, Sulpoc, Suplang, Talaga, Cale, Tinurik, Trapiche, Wawa, Janopol, Laurel, Luyos, Mabini, Malaking Pulo, Sala, Sambat, San Jose, Natatas, Pagaspas, Pantay Matanda, Pantay na Bata, Ambulong, Banadero, Maugat, Bagbag, Bagumbayan at iba pa.

Nadiskubre ko po na ang aming driver ay matagal na palang nagkakarga ng krudo sa ilegal petrol outlet na pag-aari ni alias Estolano ngunit nito lamang pong ilang araw ang nakararaan namin nakumpirma. Isang Robert po ang ahente ng mga nakaw na petroleum product na nakalagay lamang sa mga plastic container, drum, galon at bote na isinu-supply nila sa mga tricycle, jeep at truck driver sa Lipa City at Tanauan City at kanugnog na mga bayan.

Ang ibinebenta pong petroleum product nina Estolano ay nagmumula pa sa mga burikian sa Metro Manila, Bulacan, Bataan at mga Brgy. Sta. Rita Aplaya at Danglayan, kapwa sa Batangas City.

Ang mga lalagyan ng petrol product ay sa gilid ng kalsada nakahilera. Lagi na lamang po kaming kakaba-kaba na baka bigla na lamang sumabog ang mga produktong petrolyo sa outlets nitong sina alias Estolano at Robert o dili kaya ay ma-raid ng awtoridad at madamay pa ang aming cargo truck at passenger jeep. Hayag naman na alam po ng mga hepe ng kapulisan at ng mga tauhan ng mga ito ang operasyon nina alias Estolano at Robert.

Suki po nila ang mga truck, jeep at tricycle driver sa buong Lipa City, Tanauan City at mga kanugnog na lugar pagkat napakamura at tunay na presyong nakaw ang mga petroleum product, mas mababa kesa pump price sa mga lisensyadong gasolinahan. May itinitingi rin pong bote-boteng langis sa naturang iligal na gasolinahan nina alias Estolano.



Wala pong takot sina alias Estolano, akala nyo ay ligal na ligal ang kanyang pinagkikitaan pagkat di ito hinuhuli ng mga kapulisan ng Lipa City, Tanauan City, PNP CHPG, CIDG at maging ng NBI.

Imposibleng hindi pa po ito alam ng mga opisyales ng naturang mga barangay lalo na ng kanilang mga chairman. Pakilala po ni Estolano ay kumpare nito si Lipa City Mayor Eric Africa at kamag-anak siya ni Tanauan City Mayor Angelina “Sweet” Halili. Sumuporta raw po si Estolano sa kandidatura nina Halili at Africa kaya hindi nga matinag ang napaka-delikadong bentahan ng “bote-boteng” petrol outlets.

Kapag sumabog ang combustible materials sa mga pwestong ito nina alias Estolano ay tiyak na masisi pa ang mahal nating alkalde ng Lipa City at Tanauan City, kasosyo po kaya sila ni Estolano? Gumagalang, Lipa City, Tanauan Trucking and Jeepney Operator. Pls. don’t publish my number.

SIKRETA: Hindi lamang ang ating message sender, ang nanawagan sa pamamagitan ng ating pitak kina Gen. Danao Jr., PD Malimban at sa naturang city mayors, napakarami na ring mamamayan ang nag-text at tumawag sa inyong lingkod at nagrereklamong ipahuli ang iligal petroleum product outlets ni Estolano.

Responsibilidad din ng ating mga barangay officials lalo na ang mga nabanggit na barangay sa syudad ng Lipa at Tanauan na umaksyon laban sa anumang uri ng iligal na gawain sa kanilang nasasakupan.

Ang di nila pag-aksyon at pagpapabaya sa kanilang tungkulin ay may kaakibat na kaparusahan, lalo pa nga at ang hinala ay kasabwat, kasosyo, protektor o nakinabang sila sa iligalistang kumikilos sa kanilang lugar, tulad nga nina alias Estolano at Robert .

Kaya panawagan natin kay DILG Secretary Eduardo Año at DILG USec. for barangay Afffairs Martin Diño, pakibusisiin nyo ang mga chairmen ng nabanggit na mga barangay.

Kumpirmado po ng SIKRETA na si alias Estolano ay walang petroleum depots, Mayor’s Permit to Operate, wala ring permit ng Energy Regulatory Board (ERB), walang Bureau of Fire Protection (BFP) Permit, Sanitary and Health Permit, walang Zoning Permit, wala ring Police Clearance at iba pang kaukulang dokumento para makapagpatakbo ng gasoline stations sa mga sidewalk ng naturang barangay, balakid ito at panganib sa mga mamamayan.

Hindi natin alam kung saan humuhugot ng lakas ng loob at kapal ng mukha ang hinayupak na sina alias Estolano at Robert sa pagpapatakbo ng labag sa batas nitong pinagkikitaan pagkat nasa pusod pa mandin ng Lipa City, at Tanauan City? Sana maaksyunan at maputol na ito.

***

Para sa komento:Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com