Advertisers
PINAALALA ng Commission on Elections (COMELEC) na maaari pa rin umanong magparehistro ang mga indibidwal na nasa 18 hanggang 21-anyos ang edad, gayundin ang mga senior citizens kahit may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang nilinaw kahapon ni Comelec Spokesperson James kasunod ng ulat na may mga eligible voters ang tinatanggihan umanong irehistro.
Ayon kay Jimenez, bagama’t may limitasyon ang mobility ng mga 21-years old pababa at mga senior citizen sa ilalim ng polisiya ng Inter Agency Task Force (IATF), ay papayagan na silang magparehistro kung sila ay nasa registration center na.
Kasabay nito, muli rin namang hinikayat ni Jimenez ang mga eligible voters na magpa-appointment kung magpaparehistro o i-download at lagdaan ang registration form na maaaring i-access sa kanilang website sa www.comelec.gov.ph , bago magtungo sa tanggapan ng Comelec.
Pinaalalahanan rin niya ang mga magpaparehistro na ang kanilang registration form ay dapat na lagdaan lamang kapag nasa Comelec office na, at sa presensiya ng election officer.
Hinihikayat din ang mga magpapatala na magdala ng kanilang sariling ballpen, magsuot ng face mask at face shields, obserbahan ang physical distancing, at tumalima sa iba pang mga health protocols na ipinaiiral sa mga Comelec offices, gaya ng pagdaan sa foot bath, paglagda ng health declaration form, gamit ang kanilang sariling ballpen, pag-sanitize ng kamay, bago at matapos gamitin ang signature pad at fingerprint scanner; at pagtatanggal lamang ng mask at shield kung kukuhanan na ng biometrics data.
Dapat rin umanong kaagad nang umalis sa tanggapan ng Comelec ang mga botante sa sandaling matapos magparehistro.
Isinasagawa ang pagpaparehistro mula Martes hanggang Sabado, kabilang ang holiday, mula 8:00 AM hanggang 3:00 PM sa Office of the Election Officer (OEO) sa mga lugar kung saan nakatira ang botante. (Andi Garcia)