Advertisers

Advertisers

MAG-INA BRUTAL NA PINASLANG NG ‘PULIS’

0 232

Advertisers

BRUTAL na pinatay ang mag-ina ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Sebaste, Antique, Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mag-inang biktima na sina Adelfa Jordan, 72; at Roderick, 43, kapwa residente ng Barangay Aguila, Sebaste.
Sa report, 12:30 ng madaling araw nang may kumatok sa bahay ng mag-ina at nagtanong kung bahay ito ng pamilya Jordan.
Nang itanggi umano ng isa sa anak ni Adelfa na si Nickson, biglang nagpaputok ng baril ang salarin sabay nagpakilalang “pulis” at nagpumilit makapasok sa bahay.
Ayon sa ulat, unang pinaslang si Roderick na pinagsasaksak sa tagiliran at nang maabutan ng mga salarin ang nadapang si Adelfa, pinaluhod ito, hinila sa buhok at binaril sa ulo.
Matapos ang pamamaslang, mabilis na tumalilis ang mga salarin.
Ayon kay Lt. Emman Anacleto, OIC Chief of Police ng Sebaste Police Station, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat ng pulisya sa karumal-dumal na krimen.
Blangko umano ang pamilya Jordan sa motibo ng mga salarin dahil wala silang natatandaan na nakaaway ng kanilang pamilya.(PTF team)