Advertisers
WINARNINGAN kahapon ng Department of Health (DOH) ang mga health care facilities laban sa hindi maayos na pagtatapon ng kanilang mga basura, partikular na ang mga hazardous wastes, kasunod na rin ng mga gamit na rapid test kits ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na natagpuang nagkalat sa kalsadang malapit sa Trabajo Market sa Sampaloc, Manila kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang mga health facilities na lalabag sa tamang pagtatapon ng basura ay maaaring patawan ng warning sa unang paglabag, suspensyon ng lisensya sa ikalawang paglabag at ang pinakamabigat na parusa ay matanggalan ng lisensya.
Ipinaliwanag ni Vergeire na ang mga health care waste ay hindi dapat naisasama sa mga regular na basura dahil iba ang paraan ng pag-handle sa mga ito.
Binigyang-diin pa niya na may dulot na panganib sa kalusugan ang mga naturang health care waste, gaya na lamang aniya ng mga ginagamit na rapid test kits sa COVID-19 na kung hindi maayos ang disposal ay maaaring pagmulan ng impeksyon ng naturang nakamamatay na sakit. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)