Advertisers
Kapansin-pansin na tila aligaga at subsob sa trabaho ang ating mga barangay officials sa paglaban kontra covid-19 habang pakuya-kuyakoy ang mga malatubang local government officials.
Lahat na kasi ng mga bagong health protocols at ibang direktiba mula sa national government, DOH at IATF ay pawang ibinato ng lahat sa mga barangays ng mga elected officials ng LGUs.
Unang dahilan ay ang posibleng malaking takot ng mga ito na mahawaan ng virus kung bababa ang mga local executives na ito sa mamamayan.
Pangalawa, sadya sigurong tamad at walang alam sa pamamalakad ng isang pamayanan ang mga local government officials na ito na nahirati na lang gawing hanapbuhay ang kanilang tungkulin sa halip na magserbisyo sa tao.
Bakit puro sa barangay na lang ang balibag ng trabaho considering na mas di hamak na malaki ang resposibilidad ng mga alkalde kesa sa mga barangay officials natin?
Kakarampot na nga ang sahod ng mga barangay officials na ito ay nasisisi pa sa tuwing may papalpak na pagawain gaya ng pagpapatupad sa compulsary na paggamit ng mga tao ng face mask at face shields.
Ang mga barangay pa ang inuutusan sa paghuli sa mga pasaway at violators.
Sa halip na maging role models, ang mga LGU officials pang ito ang nagiging ugat ng problema.
Usad pagong ang kilos at parang mga pakong kailangan pang pukpukin para magampanan ng tama ang kanilang mga tungkulin.
Parang mga sasabungin manok na may sapola at nana sa puwet at slow motion kung kumilos, laging atrasado.
Marami tayong mga mayors na ganyan dito sa Metro Manila.
Sa halip na magtatag ng task force para sa full implementation ng mga programa kontra covid, iniaasa na lang ito at ibinabato sa mga barangay.
Di naman magkakapareho at magkakasing laki ang mga barangays sa isang lokalidad, paano masusustinehan ng budget ang isang maliit na barangay sa mga trabahong ibinabato ng mga local government units kung ganun kalimitado ang kanilang resources at manpower?
Di ba dapat sa mga LGUs nagmumula ang inisyatiba at suporta na lang ang mga barangay?
Napakalaki naman ng pondo ng isang siyudad dito sa NCR pero tila iilang mayors lamang ang may konsensiyang magtrabaho ng tama at isipin ang kapakanan ng kanilang constituents?
The likes of Isko Moreno of Manila, Vico Sotto of Pasig, Joy Belmonte ng Quezon City, Edwin Olivarez ng Parañaque, Toby Tiangco ng Navotas at Francis Zamora ng San Juan the rest ay mga patay na butas na at sadyang pawang malatuba na.
Gaya ng isang lady executive diyan sa isang siyudad sa Southern Metro.
Mas feel pa ni mayora na irampa at i-model ang kanyang mga expensive at imported bag collections kesa magbigay serbisyo sa kanyang mga constituents.
Si mayora sarap buhay at pakuya-kuyakoy lang habang padami ng padami ang mga nagkaka-covid sa kanyang siyudad.
Dedma lang si madam!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com