Advertisers

Advertisers

‘HOLDAP ME’: DALAGA SINAKSAK ANG SARILI, PERA NG AMO TINANGAY

0 313

Advertisers

SINAKSAK ng dalaga ang kanyang sarili para palabasing naging biktima ito ng holdap ng dalawang lalaki sa Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ang babae na si Liliana Magalona, 26, cook, ng 2156 Road 5 Fabie Estate, Sta. Ana.
Sa ulat, isinugod ni Ariel Cahatol, 34, sidecar boy, si Magalona sa Sta. Ana Hospital para malapatan ng lunas sa sugat na tinamo nito.
Ayon sa report, pinalabas ng dalawa na hinoldap si Magalona ng dalawang lalaki at tinangay ang dalang pera ng kanyang amo na nagkakahalaga ng P31,000.
Kinilala ang amo ni Magalona na si Marivick Martinez, 37.
Batay sa ulat ni Lt. Bernardo Diego ng Manila Police District-Station 6, nagsagawa ng imbestigasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa insidente ng holdap sa Oniyx at Diamante Sts.
Sa report, lumitaw na walang insidente ng panghoholdap sa nasabing lugar kung kaya nagduda ang mga pulis. At sa isinagawang interogasyon, inamin ni Magalona na hindi siya hinoldap.
Aniya, gipit siya sa pera kaya nagawa niya ang krimen.
Binigyan, aniya, ng P2,000 si Cahatol para palabasing testigo niya sa panghoholdap habang lulan ito ng kanyang sidecar.
Ayon sa pedicab driver, sinabi sa kanya ng dalaga na problemado ito sa pera.
Sinaksak ni Magalona ang sariling tiyan, gamit ang maliit na gunting saka nagpadala sa ospital.
Pinaghatian ng dalawa ang P31,000 na dala ni Magalona.
Matapos umamin sa modus, P13,000 nalang ang naibalik ng dalawa.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban kina Magalona at Cahatol.(Jocelyn Domenden)