Advertisers

Advertisers

SYSTEM LOSS CAP NASUSUNOD NG DISTRIBUTION UTILITIES – ERC

0 313

Advertisers

NILINAW nitong Lunes ng Energy Regulatory Commission(ERC) na nasusunod ng Distribution Utilities (DUs) ang itinakda nilang system loss cap.

Ito ay sa harap narin ng akusasyon ng dating Distribution Utility na Panay Electric Company (PECO) sa More Electric and Power Corporation (More Power) na mas mataas ang system loss na sinisingil nito sa kanilang customers.

Ayon kay ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit nilang mino-monitor ang pagsunod ng mga DU sa itinakda nilang system loss cap.



Sa ilalim ng ERC rules, ang DUs ay kailangan magsumite ng kanilang system loss reports kada buwan gayundin ang sworn statement annual report na nagpapakita ng kanilang system loss kaya nababantayan ng ahensya kung mayroong hindi sumusunod.

Simula 2018 nang magpatupad ng system loss cap na 6.5% ang ERC sa lahat ng DUs, layon nito na mapababa ang binabayaran ng customers batay narin sa itinatakda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), at para mapagbuti ng mga power supplier ang kanilang distribution system.

Matatandaan na binatikos ng More Power ang PECO sa paggamit nito sa kaalyadong grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) para palabasin na 7.1% ang kanilang sinisingil na system loss na mataas sa 6.5% na itinatakda ng ERC.

Mali umano ang paninira ng PECO. Katunayan, mula nang magsimula ang kanilang operasyon noong Pebrero 2020 ay nasa 6% system loss lang ang kanilang pinapasa sa Iloilo power consumers na mas mababa pa sa itinatakda ng ERC.

Nangako pa ang More Power na mas bababa pa ang kanilang system loss sa loob ng susunod na 3 taon kapag nakumpleto ang kanilang modernization program.



Dalawang klase ang system loss. Una, technical o ang nawawalang kuryente habang nagta-transmit ito mula sa generation company patungo sa DUs kaya kung maayos ang distribution system ay mas malaki ang tiyansa na walang maaksayang kuryente. Ikalawa, non technical o ang nawawalang kuryente dahil sa pilferage o mga “jumper”. Ang bayad sa nawawalang kuryente na ito ay sinisingil din sa customers sa pamamagitan ng system loss charge.

Naging kontrobersiyal noon ang mataas system loss sa Iloilo City sa ilalim ng PECO dahil na rin sa umabot ito sa 9.93% noong 2017, pinakamataas sa lahat ng private utilities sa bansa.

Pinakamataas din ang generation charge na sinisingil ng PECO na nasa P2.50kwh na mas mataas pa kaysa sa malalaking lugar gaya ng Manila, Cebu at Davao.

Tinuturing din na pinakamataas ang singil sa kuryente sa Iloilo City sa ilalim ng PECO sa mahigit 70 bansa sa buong mundo, resulta ng lumang distribution lines, transformers at substations na noong dekada 70 pa naitayo at ang nadiskubreng 30,000 illegal power connection. (PFT Team)