Advertisers
IPINAAALALA ko po sa mga mambabasa ng BIGWAS! na pinagmulta ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) ng P19-milyon dahil “pumalpak na banggitin nang malinaw” na ang siningil nitong buwanang bayarin sa kanilang mga kostumer ay batay sa tanya (estimate) lamang sa ginamit na kuryente nitong lockdown.
Ang isa pang batayan ng ERC ay hindi sinunod ng Meralco ang utos ng ERC na payagan ng Meralco ang mga kostumer nito na gawing hulugan ang pagbayad sa nagamit na kuryente nitong panahon ng lockdown.
Binanggit ko ito dahil hindi laganap ang balita tungkol sa isyung ito.
Maganda ang ginawa ng ERC laban sa Meralco, ngunit hindi katulad ng korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na araw-araw ibinalita sa media.
Ang susunod na mahalagang punto ay ang epekto ng P19-milyon sa mga kostumer ng Meralco.
Maibabalik ba ang mga ibinayad ng mga kliyente ng Meralco tulad ko kung pinatawan ng ERC ang Meralco ng P19 milyong multa?
Mababawasan ba ang buwanang bayarin ko sa mga susunod na buwan dahil sa parusang iginawad ng ERC sa Meralco?
Ang alam ko ay walang pakinabang sa multi-milyong multa ang mga kostumer ng Meralco.
Sabi nga ni ERC chairman Agnes Denavadera, ang P19 milyon ay mapupunta sa pamahalaan.
Kaya, pamahalaan ang kikita rito.
Ang masama rito ay kapag ipinasa ito ng Meralco sa kanyang mga kostumer sa mga susunod na buwan.
Tandaan, ideya ng mga kapitalista na ipasa sa kanilang mga kostumer ang karagdagang gastos ng kumpanya tulad ng buwis at iba pa.
Tandaan din natin na ang palaging nasa utak ng mga kapitalista ay makakabig ng pinakamalaking kita sa bawat araw ng kanilang operasyon.
Kaya, ang P19 milyon ay pabor lang sa gobyerno dahil ito ang totoong kumita sa nakita ng ERC sa pagkakamali ng Meralco.
Ang libu-libong kostumer ng Meralco ay magbabayad pa rin sa sisingilin ng kumpayang ito.