Advertisers

Advertisers

MAGTANONG SA TAMANG AWTORIDAD, DILG – ISKO

Sa mga opisyal ng barangay kung kasama sa hazard pay:

0 292

Advertisers

PARA sa lahat ng mga opisyal ng barangay na nagtatanong kung kasama sila sa hazard pay na inaprubahan ng pamahalaang lungsod para sa kanilang mga empleyado na pumasok sa kanilang trabaho sa kabila na enhanced community quarantine (ECQ) ay pinayuhan ni Manila Mayor Isko na manghingi ng gabay o magtanong sa tamang awtoridad para sa bagay na ito.

Ayon kay Moreno, tali ang kamay ng pamahalaang lungsod dahil ang hazard pay na ipamimigay sa mga empleyado ng lungsod ay base sa Administrative Order na ipinalabas ni President Rodrigo Roa-Duterte.

“Kita ko naman ang sakripisyo ninyo, kaso, tali ang aming mga kamay. Look for funds and magtatanong ako sa legal. Kung ako ang masusunod, hanggang kaya ay yayakapin namin,” sabi ni Moreno.



Pinayuhan din ni Moreno ang mga barangay officials na magtanong sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung puwede nilang gamitin ang barangay funds para nasabing dahilan.

“Kung pwede, baka magawan ng paraan. Wala namang masama na magtanong kayo sa DILG na kung pwede, ‘yung natitirang barangay funds eh mabigyan kayo ng hazard pay,” ayon pa sa alkalde.

Matatandaan na kamakailan lang ay nilagdaan ni Moreno ang ordinansa na magkakaloob ng P500 kada araw bilang ‘COVID-19 hazard pay’ sa mga empleyado na ‘pisikal’ na pumasok sa kanilang trabaho sa kabila ng umiiral na ECQ mula March 17-May 15, 2020 at upang mapanatiling operational ang daloy ng trabaho sa City Hall sa gitna ng pandemya.

Ang ordinansa na sinang-ayunan at ipinasa ng buong Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer at Councilor at Atty. Joel Chua bilang majority floor leader, ay naglaan ng P151M para sa nasabing COVID-19 hazard pay.

Klinaro naman ni Chua na ang mga barangay officials at mga tanod ay hindi maituturing na mga city employees dahil sila ay empleyado ng pinakamaliit na unit ng local government unit na kung tawagin ay barangay.



Kung kakayanin ng pondo, ayon kay Chua ay maaring kunin sa pondo ng barangay ang hazard pay sa lahat ng barangay authorities na nagkakahalaga ng hindi lalagpas sa P500 kada araw gaya ng sinasaad sa ilalim ng Administrative Order No. 26 na ipinalabas ni  President Duterte at naging basehan ng pagpasa ng Ordinance No. 8667.

Ayon pa kay Moreno ay kukunin ang budget sa COVID hazard pay sa Manila City government’s Personal Services and Special Activities fund at Maintenance and Other Operating Expenses fund. Ang computation sa hazard pay ay “P500 times the total number of days when the employee concerned physically reported for work.”

Sakop nito ang mga empleyadong regular, contractual o casual positions, may contract of service, job order at iba pang katulad.

Ayon pa kay Moreno ang mga personnel na entitled sa hazard pay, hazardous duty pay, hazard allowance at iba pang katulad na  benefits sa ilalim ng umiiral na batas, issuances, rules and regulations, ay mga public health workers, public social workers, science and technology personnel and military and uniformed personnel, ay dapat na patuloy na tumanggap ng benefits o ‘COVID-19 Hazard Pay,’ o kung alinman ang mas mataas.

Samantala, tinanggap kahapon ni Moreno ang limang motorsiklo mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na idinonate para magamit ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Ibinigay kay Moreno ni FFCCCII external committee chairman Nelson Guevarra, kasama ang mga miyembro na sina Jefferson Lau at Andy Co pagkatapos ng Flag ceremony kahapon ng umaga. (Andi Garcia)