Advertisers
NASAWI ang 70-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng lasing na sundalo sa Malingin Island sa bayan ng Bien Unido, Bohol.
Kinilala ang nasawing matanda na si Leopoldo Justiniane Saligan. Samantalang ang salarin ay si Corporal Reymund Casiple.
Ayon kay Police Staff Sergeant Romelito Avenido, batay sa testinomnya ng mga nakasaksi, kasama ni Saligan ang mga pamangkin niya nang mangyariang insidente Linggo ng hapon.
Dumating umano sa lugar ang nakainom na si Casiple, nakatalaga sa Malingin Island na miyembro ng 47th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon kay Metchelle Concon, pamangkin ng biktima, inakala ni Casiple na siya ang kanilang pinag-uusapan.
Nagpaliwanag pa si Saligan at sinabing hindi nila pinag-uusapan si Casiple.
Pero agad bumunot ng baril ang sundalo at pinagbabaril ang matanda.
Kusang loob namang sumuko si Casiple sa kapitan ng barangay sa lugar matapos ang insidente.
Nakakulong na si Casiple sa Bien Unido Police station.(Ace Ramales)