Advertisers

Advertisers

Babala: Mga Pinoy scammers nagkalat na kahit saan

0 407

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: :… Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos…” (2 Timoteo 3:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

BABALA: MGA PINOY SCAMMERS NAGKALAT NA KAHIT SAAN: Nais nating magbigay-babala sa ating mga kababayan: sobrang nagpapakasama na po ng maraming Pilipino, dala marahil ng kawalan ng kinikita sa panahon ng COVID-19. Wala na silang preno sa paggawa ng mga scam at mga panloloko, upang makakuha lamang ng kahit na konting halaga mula sa mga naloloko nila.



Kaya naman dapat talaga tayong mag-ingat. Gaya ng pag-iingat ng isa kong kapatid si G. Philip Mauricio na kapitbahay ko dito sa Quezon City. Noong isang linggo lamang, may tumawag sa kaniya at nagpakilalang isang kababayan daw namin mula sa Ramos, Tarlac, at humihiling na magpadala si Philip ng P18,000.00 sa taong yun, dahil na-stranded daw sa Narita, Japan.

Kailangan daw ng kababayan namin ng P18,000.00 para gamiting rebooking fee sa kanilang eroplano. Ang problema, tinawagan ni Philip yung mga kaibigan niyang travel agencies upang konsultahin sa hinihingi ng tumawag sa kaniya. Iisa lang ang sagot ng mga agencies: scam yan, at marami ng gumagawa ng ganyan ngayon. Hindi pala puwedeng mag-rebook ng flight pag nasa biyahe na. Nakow!!!

***

AND KNK, MGA SAKSI NI JESUS NA MAGPAPATOTOO NA SIYA ANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: SSDSNNJ Amen! Isa sa mga puntong nais nating liwanagin sa tinatalakay nating ikawalong patotoo ng Bibliya sa Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) at sa mga kasapi nito na tinatawag na mga Kadugo ay ang ibig sabihin ng pagiging “saksi” ni Jesus.

Sa pahayag kasi ni Jesus bago Siya umakyat sa langit matapos ang Kaniyang muling pagkabuhay, sinabihan Niya ang Kaniyang mga pinili at isinusugong mga alagad na sila ay magiging mga “saksi” Niya sa Judea, sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.



Ano ang ibig sabihin ng pagiging “saksi” ni Jesus? Basahin po natin ang Mga Gawa 1:8 ng Bibliya: “Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo ay magiging mga saksi ko sa buong Judea, sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig…”

Ang tanong: ano kaya ang ninais sabihin ni Jesus sa salitang “saksi”? At ano naman kaya ang sasaksihan ng Kaniyang mga alagad tungkol sa Kaniya? Bakit kailangang saksihan si Jesus ng Kaniyang mga alagad? Ano ang kahalagahan ng pagiging saksi ni Jesus?

***

MGA MANANAMPALATAYA, NAIS NI JESUS MAGING SAKSI NIYA: Upang masagot natin ng maaayos ang mga tanong na ito, dapat nating unawain ang kahulugan ng salitang “saksi”. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin ng “saksi” ay “witness”. Sa pang-araw-araw na buhay, ang isang saksi ay isang tao na nakasaksi, o nakakita, o nakadinig, o naka-amoy, o nakahawak, ng isang bagay o pangyayari o kaganapan.

Pero hindi doon natatapos ang pagiging saksi ng isang tao. May isang katangian pa kasing hinahanap sa isang magiging saksi ng mga bagay o pangyayari, upang tanggapin siya bilang isang saksi. Ito ay ang pagkakaroon niya ng kakayahang isalarawan, i-detalye, ipahayag, o patotohanan, kung ano ang kaniyang nakita, nadinig, naamoy, nahawakan, o naranasan.

Sa totoo lang, ganito rin ang kahulugan ng isang saksi sa batas o sa mga kasong legal, mapa-kasong kriminal o mapa-kasong sibil man ito. Kailangang nakita, nadinig, naamoy, o nahawakan, ng nagnanais maging saksi ang isang bagay o pangyayari, at, pagkatapos, may kakayahan siyang isalarawan at patotohanan ang kaniyang nakita, nahawakan, naamoy, o naranasan.

Kung tutuusin, ganito rin ang nais sabihin ni Jesus sa Mga Gawa 1:8. Ang tinutukoy Niya sa salitang “saksi” ay isang taong maisasalarawan ang kaniyang mga karanasan. Gusto niyang ang Kaniyang mga alagad na pinili at isinusugo ang siyang sasaksi, magpapahayag, at magpapatotoo, ng kanilang naging karanasan, o nakita, o nadinig, habang kasama nila si Jesus sa loob ng tatlong taon na nandidito Siya sa daigdig.

Gusto ni Jesus na ibahagi ng Kaniyang mga alagad ang mga aral na Kaniyang ipinahayag sa iba’t ibang lugar na kanilang pinuntahan. Gusto ni Jesus na patotohanan ng mga alagad ang mga himalang Kaniyang ginawa, upang magabayan at maakay ang mga tao tungo sa pagkakaroon ng unawa ng kung sino ba Siya talaga.

***

NAIS NI JESUS NA MAGPATOTOO ANG KANIYANG MGA ALAGAD NA SIYA ANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS: Sa madaling salita, layon ni Jesus na magpatotoo ang Kaniyang mga alagad na Siya ang tunay na Diyos at Tagapagligtas, na Siya ring Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Tunay nga, mabigat na gawain ang pagiging saksi ni Jesus, hindi na lamang dahil mahirap ipaliwanag ng maayos ang katotohanang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, kundi marami na ang nawala sa pananampalataya.

At dahil marami na sa mundo ngayon ang hindi na naniniwalang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo kundi Siya ay isa lamang tao na mayroon ding laman at dugo, malalagay sa tiyak na panganib ang sinumang sasaksi at magpapatotoo na mali ang paniniwalang ito ng mundo tungkol sa Kaniya.

Alam ito ni Jesus, gaya ng Kaniyang ipinapahayag na ang Kaniyang mga alagad ay daranas ng kapighatian, paniniil, at maging ng marahas na kamatayan sa kamay ng mga taong nag-iisip pa na paglilingkod nila sa Diyos ang pagpatay o pamiminsala sa mga taong nagtuturong Siya, si Jesus, ang tunay na Diyos at Tagapagligtas.

Pero, sa harap ng lahat ng ito, hindi dapat masiraan ang loob ng sinumang nangangaral na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas. Ipinangako Niya na may dalawang magaganap sa Kaniyang mga pinili at isinusugo—una, bababaan sila ng Banal na Espiritu, at, pangalawa, tatanggap sila ng kapangyarihan. Ipapaliwanag po natin ito sa mga susunod pang Kalatas Mula Sa Mahal na LD. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

***

MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.