Advertisers
P3 milyon ang inilaan na pabuya sa kung sino man ang makapagtuturo sa mga mastermind at sangkot sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu noong Agosto 24.
Sa social media post ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco, kasalukuyang hinahanap ng mga otoridad si Abu Sayyaf Group subleader Mundi Sawadjaan na pinagsususpetsahang utak sa kambal na pagsabog sa nasabing bayan.
Ganitong halaga rin ang ipinatong sa ulo ng mga opisyal kay Indonesian national Andi Baso na kasabwat sa pagpapasabog na nagdulot ng pagkamatay ng 15 indibidwal, karamihan sundalo.
Maliban sa dalawa, pinaghahanap narin ang Indonesian national na si Reski Fantasya aka Cici na asawa ni Baso at pinagsusupetsahang suspek sa Jolo cathedral bombing noong 2019. Hindi tinukoy kung magkano ang pabuya rito.
Nagbabala rin sa publiko si Climaco sa posibleng pag-atakeng muli ng mga nasabing indibidwal.
Una nang ibinunyag ng mga otoridad na sila ay nasa hot pursuit vs Abu Sayyaf bomb expert na si Mundi Sawadjaan kasunod ng nasabing pagsabog.
Ito ay nagresulta sa pagkamatay ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf nitong Sabado, 9:45 ng umaga sa Patikul, Sulu.
(Ace Ramales)