Advertisers

Advertisers

LAWTON UNDERPASS IME-MAKEOVER DIN – ISKO

Matapos ang City Hall Underpass:

0 287

Advertisers

MATAPOS ang matagumpay na total makeover ng sira-sirang Manila City Hall Underpass at matagumpay ding pagbubukas nito sa publiko ay isusunod naman na ime-makeover ni Mayor Isko Moreno ang  Lawton underpass.

Ayon kay Moreno ang mga plano ay nililinis na lang para sa pagsasaayos at pagpapaganda ng Lawton underpass na siyang kumukonekta sa Park ‘N Ride area sa Intramuros area.

Ang nasabing underpass ay daanan ng libo-libong katao na pawang estudyante sa Colegio de San Juan de Letran, Lyceum of the Philippines at empleyado ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan at pribado.



Sa matagal na panahon ay nagtyaga ang mga estudyante sa mabaho, marumi at maputik na underpass lalo na kapag tag-ulan.

Ang makeover ng Lawton underpass ang naisip matapos na buksan sa publiko nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang bagong Manila City Hall (MCH) Underpass na kumukonekta sa City Hall sa Intramuros, na sinimulan ang renovation noong March.

Nang maupo si Moreno bilang mayor ay napakarumi, mabaho, masikip at puno ng mga vendors ang City Hall underpass.

Ngayon ay isa ng bago, moderno ang Manila City Hall Underpass na malinis, maliwanag at may vertical gardens, at mga hagdan at pader na may makukulay na sining at murals na nilikha ng iba’t-ibang artists at naglalarawan ng mayamang kasaysayan ng lungsod.

Mayroon din itong information map sa anyo ng jeepney lines sa lungsod digital information kiosk na gagabay sa tourists, visitors o maging lokal na bisita na naghahanap ng ispesipikong lugar sa lungsod.



Isang bahagi rin nito ang inialay sa mga frontliners sa panahon ng pandemya.

Ayon kay City engineer Armand Andres, na siyang nasa tuktok ng malaking proyektong ito kasama ang alkalde, ay walang ginastos ang pamahalaang lungsod sa pagpapaganda ng City Hall Underpass. Ito aniya ay donasyon ng mga tagasuporta ni Moreno at kolaborasyon ng iba’t-ibang national government agencies.

Sinabi pa ni Andres na ang MCH Underpass ay mayroong closed circuit television cameras na may high-tech facial recognition at  security personnel na nakabantay upang protektahan ang nagdaraan 24/7.

Ligtas ding maglakad sa sahig ng MCH underpass dahil ginamitan ito ng non-skid tiles upang hindi madulas ang mga magdaraan kahit na basa ang sahig kapag tag-ulan. (Andi Garcia)