Advertisers
NASA kultura natin ang pagpapahalaga sa ating nakakatanda. Katunayan, tayong mga Pilipino ang kaisa-isang lahing nagmamano bilang tanda ng ating paggalang.
Kaya hindi nakalulugod ang nakarating na kuwento sa amin tungkol sa magkapatid na kapuwa senior citizen mula sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal. Isa sa kanila ang lumapit sa amin – si Carlos De Leon. Idinadaing niya ang masaklap na sinapit niya sa kamay ng isang incumbent barangay chair na anak ng kapatid niya. Samakatuwid, pamangkin niya si Kapitan.
Aniya, wala kamalay-malay na wala na pala silang nalalabi sa pag-aaring lupain sa kanilang bayan dahil naibenta umano ito nang tuluyan ng kanyang pamangkin na si Kapitan Allan de Leon ng Barangay Dolores sa Taytay.
Kuwento niya, nakuhang ibenta ni Kap Allan ang kanilang lupa na minana sa mga magulang sa halagang P29 milyon gamit ang mga dokumentong may pinekeng pirma niya umano. Ang lupa na nasa karatig Barangay Muzon ay naipagbili sa isang Indian national na nagngangalang Devidas Badlani.
Bagamat sinampahan niya ng kasong falsification of public documents sa Provincial Prosecution sa Taytay ang kanyang pamangkin, hindi umuusad ang kaso. Marahil dahil sa bukod sa isa itong elected official, kilalang brusko umano sa Taytay si Kap Allan.
Sakaling totoo ang mga paratang kay Kapitan, nakababahala ang ipinapakita niyang asal. Sa halip na maging huwaran dahil isa siyang halal na lingkod-bayan, mistulang kabalintunaan ang kanyang ikinikilos. Malayong-malayo sa angkop na pamantayan ng isang lingkod-bayan.
Sa kabila ng mga dokumento at testimonya ng kanyang mga nabiktima, patuloy na itinatanggi ni Kap ang paratang at nakuha pang idiin ang mga taong kanyang binentahan umano ng lupang hindi naman pala sa kanya. Bukod sa Indian na si Devidas Bedlani, naibenta din pala ni Kap ang nasabing lupa ng tiyuhin sa opereytor ng peryahan.
Ang masaklap, ipinagkait ni Kap kahit balato sa kaawa-awang tiyuhin na dapat sana’y kanyang kinakalinga hindi dahil sa mandato kundi para na lang sana ginawang pag-aaruga nito sa kanya noong mga nakalipas na panahon. Lubos na nanlulumo si Mang Caloy hindi lang dahil sa nawala niyang lupa, kundi dahil sa tuluyan nang nakaligtaan ni Kap Allan ang katagang “utang na loob.” Hihintayin namin ang paliwanag ni Kap.
***
WALANG paligoy-ligoy, walang arte, at mas lalong walang drama. Inamin ni Shinzo Abe, prime minister ng Japon, na bumalik ang kanyang sakit ng ulcerative colitis, o pamamaga ng sikmura at bituka. Dahil sa sakit, magbibitiw siya bilang prime minister, o head of government. Inumpisahan na niya ang proseso upang pumili ang LDP, ang partido pulitikal na nasa poder, ng kanyang kahalili.
“I cannot be Prime Minister if I cannot make the best decisions for the people.” Ito ang mga salitang buong lutong niyang binitawan sa isang pulong balitaan noong Biyernes. Ipinagdiinan niya na kailangang malusog ang pinuno ng gobyerno upang magampanan niya ng maayos ang kanyang tungkulin sa bayan.
Kabaligtaran ang Japon sa Filipinas. Pangkaraniwan sa Pinas ang mga pinuno na kapit tuko sa kanilang puwesto. Sanay ang sambayanan sa mga pinunong nagmamaang-maangan sa totoong kalagayan ng kanilang kalusugan.
Patunay si Rodrigo Duterte. Halatang maysakit si Duterte at hindi ordinaryong sakit ang paunti-unting pumapatay sa kanyang katawan. Ngunit patuloy na nagsisinungaling ang mga taong nakapaligid sa kanya. “Malusog ang pangulo at malakas pa sa kalabaw,” ani Bong Go, ang kanyang utusan at impormal na tagapagsalita.
Galit si Bong Go sa mga kumukuwestiyon sa kalusugan ng amo. Nagkakalat umano sila ng fake news sa lagay ng kanyang kalusugan. “Huwag kayo mag alala. Iyong mga nagkakalat ng fake news, makonsensya kayo. Nagtratrabaho lang ang ating Presidente para sa bayan,” aniya. Bawal ang humalakhak na malakas.
***
ISA sa mga pinagtatawanan si Bong Revilla na nagkasakit ng Covid-19. Sapagkat maraming pasaring, kantiyaw, at masasakit na salita ang binitiwan ng mga mamamayan habang nagdurusa siya ng lupit ng pandemya, ipalalabas niya na siya ang biktima ng galit ng sambayanan.
Lusot na sana, ngunit nagkamali ng dagdagan ang kanyang pahayag. “Pinatawad ko kayo,” aniya. Excuse me, siya ngayon ang may karapatan na magpatawad. Ang totoo ay dinambong niya ang kaban ng bayan at ipinabalik ng Sandiganbayan ang P124 milyones.
Halos tatlong taon na ang nakalipas ng hingin ng husgado na ibalik niya ang halaga, ngunit patuloy siyang nagwawalang bahala. Wala siyang ibinalik kahit piso. Wala naman hiningi ang sambayanan kundi ibalik ang halaga. Ngayon, siya ang galit at nagpapanggap na biktima. Makutya siya sa sarili niya.
Isa itong sumpa ng dadalhin ng kanyang angkan. Malalasap kahit ang apo ng kanyang apo ang galit ng sambayanan sa kanyang pagdambong sa kaban ng bayan.
***
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representante ang panukalang batas na nagbibigay ng 25-taon prangkisa sa Dito Telecommunity, ang pangatlong telco. Madali at mabilis na pumasa ang panukalang prangkisa. Wala masyadong daldalan hindi kaparis sa nangyari sa ABS-CBN.
Isa lang problema at mukhang hindi nakita ito ng mga mambabatas. Paano kung ituloy ng Estados Unidos ang banta ng boykot sa mga kumpanyang Chinese na may papel sa pananakop ng China sa kabuuan ng South China Sea. Ano ang gagawin ng gobyerno?
Pag-aari ng China Telecom ang 40 porsiyento ng equity ng Dito Tel. Kapag itinuloy ang banta, walang interconnection ang pangatlong telco sa mga kumpanyang telecommunications sa Estados Unidos. Hindi magkakapagtalastasan ang mahigit 15 milyones na Filipino sa kanilang pamilya at kababayan Pinas.
***
NARITO ang aking isinulat kapan lumusob ang mga troll sa socmed account: ”I normally don’t react to their comments, especially those they have posted on my wall. I just do the following: first, I delete their comments, especially when done on my wall, and, second, I block them subsequently. That way, we don’t have access to each other. Then, I forget everything and treat them as if they don’t exist at all. I hardly remember them. I am happier than way.That’s the best way to treat them. P.S. By blocking them, those trolls, bots, etc. end up talking among themselves. Isn’t that wonderful?”