Advertisers
Sa pagharap sa mga suliranin, ating sinusuri kung paano lumilitaw ito; ano ang dahilano; at sino ang may dala o pinagmulan nito. Sa ganitong paraan, makagagawa tayo ng kaukulang hakbang kung paano ito sisimulan at kung tama ba ang gagawin nating mga hakbang upang lutasin ang kinakaharap.
Hindi madali ito, subalit sa ating pakikipag-usap na tuwiran o pagtatanong sa iba kung paano ito haharapin, nakakukuha at nakabubuo tayo ng resolusyon. Sa paglutas ng usapin, may iba’t ibang paraan upang lutasin ito na naka-depende sa karanasan ng humaharap at may mga kaalaman nito.
Sa karanasan ng bansa sa paglalatag ng lunas sa pandemya, malinaw na ginamit ni Totoy Kulambo ang karanasan ng mga militar at pulis na siyang binigyan ng pangunahing paggalaw upang pigilan ang pandemya. Alam na natin kung anong kinalabasan dahil kung mga pulis at militar na ang kumilos, lumalabas ang takot ng mga tao na mahuli at makasuhan.
Hindi alintana ang maaring pinsala ng pandemya sa buhay at kabuhayan, bagama’t sila’y sumusunod lamang dahil nariyan ang mga unipormadong bantay; sabay lalabag kung wala naman. Sa kinalabasan, nagiging pangalawa na lamang sa kanila ang dulot ng sakit dahil hindi na nila nakikita ang kahalagahan ng mga gawaing pangkalusugan.
Alam natin na kulang-kulang ang mga lunas at hakbang na pangkalusugan kaya hindi mapasusunod ang tao nang tama dahil hindi akma ang kanilang tugon sa kinakaharap na usapin.
Pangalawa, dumating na ang oras upang buksan ang kabuhayan ng bansa dahil nahihirapan na ang pamahalaan na magbigay ng ayuda sa mga mamamayan na nangangailangan nito. Ito ang hinarap na lunas ng mga economic manager ni Totoy Kulambo at alam na rin ang naging resulta dahil hindi naman umangat ang kabuhayan ng mga Filipino.
Ang masakit: Mas kumalat at dumami lamang ang mga nagkaroon ng pandemya; hindi pa rin tumaas ang estatisko ng ating kabuhayan. Tulad ng una, hindi na nakapaglatag ng tamang lunas sa usaping kinakaharap, kaya ang bansa na ang valedictorian ng pandemya sa Asya.
Maling mga grupo at karanasan ang pinaharap sa usaping pangkalusugan kaya’t hindi nalunasan ng pamahalaan ang usapin. At maling ibigay o iasa sa kamay na lamang ng Tsino o Ruso ang kapakanan at kalusugan ng mga Filipino. Nanyo.
Pangatlo–pinakamasakit sa lahat–sa kawalan at mga maling balakin, ang mismong tagapagpaganap ng mga gawain sa pagharap sa pandemya na sina Año at Totoy Kulambo, ang mismong dinapuan ng pandemya at sakit dahil sila mismo’y hindi makasunod sa mga batas na ginawa at ipinagpalakad.
Nagmistulang parang isang malaking komedya sila na nagsasabing mag-ingat, kahit sila rin mismo ang naging biktima. Dapat masilip kung paano sila kumilos kapag wala sa harap ng kamera, taliwas sa kung sila’y nasa harap na.
Malinaw na hindi sapat ang mga lunas na nailatag. At sa kasalukuyang kalagayan nila, sana’y kumilos nang tama at magpakita ng tunay na malasakit sa bayan dahil na rin sa kanilang kalagayan.
Nariyan sa mga mungkahi ng mamamayan at health workers ang tamang tugon upang malunasan ang mga problema ng bayan. Nagkakaisa na ang bayan dahil talagang nahihirapan na sila. Hindi lamang sa pandemya, ngunit maging sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.
Panghuling hakbang, sa lunas na gumagamit ng politika, lumitaw ang kahinaan ng katawan at isip ni Totoy Kulambo. Mismong may mga elemento sa hanay nito ang nagnanais na lunasan ang usapin ng pandemya sa pamamagitan ng politika.
Kitang-kita na kahit hirap si Totoy Kulambo, pilit siyang pinahaharap sa media upang pabulaanan ang usapin sa kanyang kalusugan. Ipinalalabas na siya’y malakas, malakas pa na parang kalabaw. Hindi nagsisinungaling ang mga kilos at pananalita.
Kung sino man ang nagtutulak kay Totoy Kulambo na humarap sa media na talagang, malinaw na ginagamit na nito ang panguluhan upang ipakita na sila pa rin ang nasa poder. Hindi pa kami pwedeng kantiin dahil buhay si Totoy Kulambo.
Subalit, pagbigyan ninyo si Totoy Kulambo na makapagpahinga at mabigyan ng kinakailangang lunas sa hinaharap na sakit. Buhay na ang nakataya rito at huwag nang pahirapan si Totoy Kulambo kung talagang mahal ninyo ito.
At sa mga tagapagtaguyod ng mga pagbabago ng politika sa bansa, ano mang uri, iwaksi niyo na ito dahil uubuhin, lalagnatin, at pahihirapan din kayong huminga pag natikman na ang galit ng mga Filipino.
Sa tunay na lunas, sa mga usapin sa itaas, may mahigit isang taon pa ang natitira upang maglatag ng mga lunas o solusyon upang ang bansa’y sumulong at hindi na umurong. Malinaw na nailatag ni Bise-Presidente Leni ang mga tamang gagawin upang makabangon ang bayan na pinahirapan nang mahigit apat na taon.
Ang paglipat at pag-upo ni VP Leni ang tamang lunas upang si Juan Pasan Krus at ang bayan ay sumulong. Mataas ang kumpyansa ng mga Filipino sa kaniya at nakasisiguro tayo na ang pagsulong ng bansa ay magaganap at ang mga problema’y malunasan.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***