Advertisers

Advertisers

‘WAG KAYONG MAG-TRUCKING, KUNG WALA KAYONG PARKING’ – ISKO

0 464

Advertisers

“HUWAG kayo mag-hanapbuhay ng trucking kung wala kayong parking.”

Ito ang tahasang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga trucking company owners, makaraang hilahin ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pangunguna ni Dennis Viaje ang may 17 trucks na iligal na naka-park sa R-10, Tondo, Manila.

Pinasalamatan ni Moreno ang team ni Viaje at ang netizen na nagpadala sa kanya ng mga litrato na kumpleto ang detalye at kung paano inookupa ng mga trucks ang kahabaan ng kalye at ginawa na itong parking area samantalang ipinagbawal na ito makaraang maupo si Moreno, bilang alkalde.



“Taumbayan ang nagbabantay sa inyo…nakabalagbag kayo sa R-10 tapos kayong mga may-ari ng trak, iyakin kayo pag na-tow. Di kayo makuha sa isang usapan daig nyo pa bata eh ang tatanda nyo na,” pahayag ng galit na alkalde na nagsabi rin na nagdudulot ng aksidente ang mga iligal na nakaparadang trak sa R-10.

Sinabi ni Moreno na madalas na nagrereklamo ang mga truck owners na lagi silang kinokotongan upang palabasin na may nangyayaring extortion.

“Nung araw nagrereklamo kayo kinokotongan kayo eh kayo rin ang tukso. Bat kayo nakaparada kung wala kayong nilagyan? Gustong-gusto nyo rin naglalagay eh, tapos magrereklamo kayo,” galit na pahayag ng alkalde.

Hinikayat din ni Moreno ang mga netizen na patuloy na magpadala ng kanilang reklamo na may kalakip na litrato at videos katulad ng kaso ng mga illegally-parked trucks.

Labis na nalulungkot si Moreno dahil aniya sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na paluwagin ang mga pangunahing kalye sa lungsod para sa mga motorista habang tinitiyak ang kanilang kaligtasan ay pilit namang kinakain ng mga truck owners ang espasyo ng mga kalsada dahil sa kanilang iligal na parking.



“Gawa tayo nang gawa ng para sa kaligtasang pangkalahatan, pinaluluwag ang kalsada tapos kayo talipandas. Bakit me nangongotong? Bakit ka naglalagay kung di ka iligal? Alam ko katayuan diyan. Hindi kayo magpa-parking kung walang inabutan. Tapos magagalit kayo pag natolongges ng empleyado. Ba’t kayo magne-negosyo ng trucking kung wala kayong parking?” giit ni Moreno..

Binatikos din ni Moreno ang mga truck owners sa pag-aakalang walang kakayahan ang pamahalaang lungsod na hilahin ang mga trucks na iligal na nakaparada dahil abala sa gitna ng pandemya.

Nagbanta rin ang alkalde na hindi siya magdadalawang isip na chop-chopin ang mga iligal na nakaparadang trak o kaya’y buhusan ito ng acetylene. (Andi Garcia)