Advertisers
Nakadetine ngayon sa detention cell sa Kamara si PhilHealth Internal Legal Senior Manager Atty. Rogelio Pocallan Jr. matapos hilingin ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na siya’y i-cite to contempt. Kasunod ng pahayag ni Pocallan sa joint hearing ng House Committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability na posibleng baligtarin ng PhilHealth ang desisyong ibinaba ng Court of Appeals (CA) matapos mapag-usapan sa plenaryo ang kaso ng Perpetual Succor Hospital sa Cebu. Dahil dito ay agad na nagmosyon si Barzaga at hiniling sa joint hearing na i-cite to contempt si Pocallan na kinatigan ni Deputy Speaker Dan Fernandez at wala naman sa miyembro ang komontra ay agad na ipinag-utos ni Public Accounts Chairman Mike Defensor ang pag-contempt sa naturang PhilHealth Executive. Base sa CA Ruling ay guilty ang hatol sa Perpetual Succor Hospital dahil sa pag-extend ng period of confinement ng isang pasyente na malinaw na isang paglabag sa PhilHealth Law. Tatlong buwan na suspensiyon at multang P10,000 ang ipinataw ng CA sa naturang pagamutan ngunit binago ng PhilHealth at ginawang P100,000 ang multa at pinagbabayad din sa mga benepisyong ibinigay ng PhilHealth. Aminado umano si Pocallan na siya ang nagbago sa naturang desisyon ng CA. (Josephine Patricio)