Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos… Sila’y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos….”(2 Timoteo 3:2, 4, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
KAPITAN, TRESORERA NA NAG-SEX SA INTERNET: WALANG MGA DIYOS: Ang tunay na isyu sa barangay captain ng Cavite at sa kaniyang barangay treasurer na nakita sa Internet na nagtatalik sa loob mismo ng barangay hall ay simple: papaanong dumating sa ganoong kahalayan ang dalawang opisyales barangay? Hindi yung kung papaano sila nakita sa Internet, at hindi din yung pagkakaroon nila ng bawal na relasyon.
Ano ang nangyari at naging ganun na kabastos ang dalawang opisyales? Bakit nawala na ng tuluyan sa kanila ang good manners and right conduct? Ang pagkatakot sa Diyos? Ang kawalan ng paggalang sa kanilang mga sarili, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilng mga kababayan sa barangay?
Ano ang nangyari? Kasi lumaki na sila, at ang halos lahat na ng Pilipino, na wala ang Diyos sa kanila. Hindi na sila nagbabasa, hindi na nag-aaral, at hindi na sumusunod sa Bibliya, ang Salita ng Diyos. At dahil wala na ang Diyos sa kanila, tiyak ang kasama nila sa mga buhay nila ay ang diyablo, na kumukontrol sa kanilang mga isip, at siyang nagpapakilos sa kanila sa pagkakasala. Kelan ba tayo matututo?
***
LIDER DISIPULO NG AND KNK, NATATANGING PINAGKALOOBAN NG MALAWAK NA KAPANGYARIHAN SA SIMBAHAN: SSDSNNJ Amen. Noong unang panahon na nagpapatala pa lamang ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) sa gobyernong Pilipino ng pagkakatatag ng mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas sa Pilipinas, ang ginamit na legal personality ng Simbahan ay ang pagiging corporation sole nito.
Ano ba ang ibig sabihin ng corporation sole? Noong mga panahong iyon, ang ibig sabihin ng corporation sole ay isang korporasyong pang-relihiyon na iisang tao lamang ang nagtatag at binigyan ng katayuan o personalidad bilang korporasyon.
Kakaiba ito sa mga orinaryong korporasyon sa bansa at sa buong mundo, noon at ngayon, na pinapahintulutang maitatag kung mula lima hanggang labin-limang katao ang magsasama-sama upang itayo ang korporasyon. Ang ganitong mga ordinaryong korporasyon ay kadalasang pang-negosyo lamang.
Sa isang corporation sole, gaya ng AND KNK, ang layunin sa pagtatatag nito ay pang-relihiyon, o pang-simbahan, o pang-espirituwal na mga pagkilos. Sa mga paunang pagsasaliksik ng mga naunang Kadugo, nakita namin na marami sa mga simbahan dito sa Pilipinas ay mga corporation sole, bagamat marami din na ang piniling maging isang ordinaryong korporasyon.
***
LIDER DISIPULO NG AND KNK, MAY ANGKING KAPANGYARIHAN MULA SA DIYOS: Sa Articles of Incorporation ng AND KNK, nakatala doon kung sino ang binigyan ng kapangyarihan ng pamumuno at pamamahala ng Simbahan— “(The Leader Disciple)… is exclusively charged with the administration of the temporalities and the management of the affairs, estates and properties of this religious corporation in the Philippines and abroad…”
Sa Pilipino, “Ang Lider Disipulo ang natatanging pinagkalooban ng kapangyarihan sa pamamahala sa lahat ng bagay may kinalaman sa kalakaran, at sa mga ari-arian ng korporasyong pang-espiritual (ang AND KNK), sa Pilipinas at sa buong mundo.
Ang ibig sabihin nito, pinagkalooban ang Lider Disipulo ng AND KNK ng mandato o karapatan, sa ilalim ng Articles of Incorporation nito, na gawin ang lahat ng pagkilos ng Simbahan ayon sa itinatakda ng Banal na Kasulatan, at upang isulong at pangunahan ang korporasyon ayon sa mga kautusang itinakda o itatakda pa sa hinaharap ng Lider Disipulo.
Malalim po ang dahilan sa ganitong pagkakaloob ng napakalawak at walang katapusang kapangyarihan sa Lider Disipulo. Pangunahin dito ang katotohanang siya ang itinalaga mula sa silangan ng Diyos, bilang pinuno ng Kaniyang sambayanan mula sa malayong lupain, upang pangunahan ang pagganap sa mga gawain at pagtupad sa Kaniyang layunin sa huling kapanahunan.
***
MGA TAO, LIKAS NA MAPAGHIMAGSIK: Alam ng Diyos, batay sa kasaysayan ng mga mananampalataya mula pa sa panahon nina Abraham, Isaac, at Jacob, na kailangan ang isang matatag na pinuno ng Kaniyang mga tinawag upang ganapin ang Kaniyang kalooban. Alam ng Diyos na ang mga tao, kahit na sila ay naunang pinili at isinusugo Niya, ay likas na mapaghimagsik at mapag-imbot.
Alam ng Diyos na laging nadidiskaril ang Kaniyang mga gawain dahil ang mga mananampalataya ay laging naliligaw sa pananampalataya, at pinangingibabawan ng kasalanan at kasamaan sa lahat ng pagkakataon.
Dahil diyan, nais ng Diyos na ang pinuno ng Kaniyang bayan, partikular sa huling kapanahunan, ay may angking lakas na nagmumula sa Kaniya, upang ito ay makapamuno ng maayos at maging matagumpay ang Kaniyang pagliligtas. Ito ang inspirasyong ibinigay ng Diyos sa AND KNK kaya naman itinalaga sa Articles of Incorporation nito ang isang makapangyarihang Lider Disipulo. Salamat Sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.