Advertisers
HINULI ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaki na nagpakilalang abogado matapos lokohin ang dalawang negosyante na umorder ng face shields na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Kinilala ang dinakip na si Juan Antonio Evangelista.
Sa ulat, naaresto si Evangelista sa entrapment operation ng mga otoridad sa Bonifacio Global City sa Taguig City nang humingi pa ito ng karagdagang P2 milyon para sa pagde-deliver ng face shields sa dalawang negosyante.
Ayon kay CIDG Director, Major Gen. Joel Napoleon Coronel, nagpanggap pa itong abogado na may koneksyon sa SkyPhil Corp. na umano’y nagtitinda ng face shields.
Sinabi ni Coronel na nakumbinsi ng suspek ang mga biktima na mag-invest ng P900,000 para sa pagbili ng 22,500 pirasong face shields, pero hindi agad ibinigay ng suspek ang mga face shield matapos bayaran.
Nang pumunta na ang mga biktima sa warehouse umano ng nasabing face shields sa Paco, Manila, nalaman na peke ang nasabing seller at hindi kilala ng nasabing kumpanya si Evangelista.
Inaresto si Evangelista matapos tanggapin ang marked money ng CIDG, kungsaan isinuko rin nito ang isang Integrated Bar of the Philippines identification card na peke rin.
Nahaharap sa kasong falsification of public documents at estafa ang suspek. (Gaynor Bonilla)