Advertisers
SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang malaking bahay sa loob ng pribadong subdivision sa bisa ng search warrant Martes ng hapon sa Barangay Paliparan 1, Dasmarinas City, Cavite.
Bitbit ang Search Warrant na inisyu ng RTC Branch 27, Sta. Cruz, Laguna, pinasok ng PDEA PRO IV-A, Cavite PPO, IIS , RDEU IV-A, PIU Cavite at Dasmarinas Police ang isang bungalow house sa Maiden Hair St., Greenwoods Heights Subd., Brgy. Paliparan 1.
Sa ulat, bago ang ginawang pagsalakay, nauna nang nagsagawa ng buy bust operation sa isang parking lot ng mall sa Barangay Balibago, Santa Rosa City, Laguna na ikinaaresto ng 6 katao – Aldrin Espena, 28, ng Brgy. Balibago, Santa Rosa City; Shiela Bongulan; Feliz Ubusan; Joseph Ubusan; Jeff Diego; at Jayson Torres, pawang nasa hustong gulang ng nasabing lugar, habang 2 pa sa mga kasamahan ng mga ito ang nakatakas.
Narekober sa operasyon ang 3 bundle ng marijuana na nakabalot sa transparent plastic na aabot sa halang P600,000, 3 boxes at pouch ng package na galing sa padala ng isang kilalang courier company na naglalaman ng mga coffee box na may labelled na “Black Ali Coffee” kungsaan pawang marijuana ang laman.
Umamin ang mga suspek na may laboratoryo sila ng nasabing droga sa isang pribadong subdivision sa lungsod ng Dasmarinas at nang makakuha ang Search warrant, sinalakay ng mga operatiba ang lugar, kungsaan nasamsam ang mahigit sa 300 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana, mahigit sa 500 grams planted seeds na nagkakahalaga ng P24,027,500 at drug paraphernalias.
Wala namang naabutang tao sa nasabing bahay.
Nagsasagawa pa ng follow up ang pulisya sa may-ari ng nasabing bahay.
(Irine Gascon)