Advertisers
POSIBLENG may bago na umanong PhilHealth president at chief executive officer ngayong linggo.
Kinumpirma ito ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang press briefing sa Laguna sa pagbubukas ng mega quarantine facility.
Sa pahayag ni Duque, sa ngayon ay puspusan na ang paghahanap daw ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ipapalit sa nag-resign na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at CEO Ricardo Morales.
“Si Pangulo right now is already looking for a replacement,” ani Duque.
Puntirya raw kasi ng Pangulong Duterte na magkaroon na ng anunsiyo sa lalong madaling panahon o ngayong linggo.
Ayon pa kay Duque, na tumatayong chairman ng PhilHealth board, ang hinahanap daw ngayon ng Office of the President ay magaling pagdating sa pamamahala sa pinansiyal na aspeto.
Kabilang pa raw sa katangian na nais nila ay may background sa legal at sana ay maalam din sa accounting.
Magugunita na una nang naghain ng kanyang medical leave si Morales pero nitong nakalipas na araw ay pinakiusapan daw ng Presidente na mag-resign na lamang. (Vanz Fernandez)