Advertisers

Advertisers

Sen. Go: PDu30, mas malakas pa sa kalabaw!

0 322

Advertisers

BILANG paglilinaw at para mapanatag na rin ang kalooban ng publiko, inihayag ni Sen. Bong Go na walang iniindang seryosong karamdaman at mas malakas pa aniya sa kalabaw si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sen. Go, mahigit dalawang dekada niyang kasama si Pangulong Duterte kaya isa siya sa nakaaalam ng estado ng kalusugan ng Punong Ehekutibo.

Kaya ayon sa senador, walang dapat ipag-alala ang taongbayan at mga tagasuporta ng Pangulo dahil inaalagaan nang mabuti ng Presidente ang kanyang sarili.



“Wala po siyang iniindang sakit na seryoso at hindi natin kailangang mag-alala. Mas malakas pa sa kalabaw ang Pangulo kung magtrabaho para sa kapakanan ng lahat ng mga Pilipino,” ang paglilinaw ni Sen. Go hinggil sa mga espekulasyon na may malalang karamdaman ang lider ng bansa.

“Pero ikonsidera rin natin ang edad ng ating Pangulo. Sino ba namang tao na 75 years old na ang walang nararamdamang sakit sa katawan?” anang senador.

Ito aniya ang rason kung bakit nagiging mahigpit ang PSG at ang mga doktor sa Pangulo para masigurong hindi siya magkaroon ng anumang malubhang karamdaman lalo ngayon na may COVID-19 health crisis.

“Sinisigurado natin na hindi mahahawahan ang Pangulo. Ang health experts na ang nagsabi na ang mga senior citizens ang pinaka-vulnerable sa sakit na ito,” aniya.

“Naisin man ni Tatay Digong na mabisita at makasama ang taumbayan dahil ito na ang kanyang nakasanayang gawin, sa ngayon ay hindi niya po ito magawa dahil marami pong bawal,” paliwanag ni Go.



Ayon sa senador, kilala niya si Tatay Digong na may ugali aniyang ipinapasa-Diyos na lang ang lahat, lalo na pagdating sa kanyang sariling kapakanan.

“Parati n’yang sinasabi na “Kung panahon mo na, panahon mo na. It is all according to God’s will,” ani Sen. Go.

Ngunit bagama’t may edad na ang Pangulo, ginagawa pa rin nito ang lahat para sa mga Pilipino at buo ang loob na gampanan ang kanyang tungkulin bilang ama ng buong sambayanan na tumatayong poste ng ating tahanan para maalagaan at maprotektahan ang bawat Pilipinong itinuturing niyang anak.

Tiniyak ng senador na si Pangulong Duterte pa rin ang lider na nagti-timon sa atin at wala nang iba upang tuluyang maiahon tayo sa krisis at maipagpatuloy ang mga pagbabagong nakamit na natin sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Hiniling ng senador na alagaan natin ang Pangulo at ipagdasal palagi ang kanyang mabuting kalusugan.

“Having known the President for a long time, I know how much he loves to serve and he is willing to die for his country.”

“I urge my fellow Filipinos to cooperate and stay united in our efforts to overcome this crisis. Magbayanihan po tayo at patuloy na magmalasakit sa kapwa,” ang panawagan ng mambabatas.

Nakiusap siya sa bawat isa na huwag sayangin ang oras sa pagkakalat ng pangamba lalo na’t may Pangulo tayong nasa maayos naman ang estado ng kalusugan at ginagawa ang lahat ng makakaya.

“Ipinaglalaban ng Pangulo ang interes, buhay at kapakanan ng bawat Pilipinong pinagsisilbihan niya,” ani Go. (PFT Team)