Advertisers
Aabot sa P114million na halaga ng Philhealth contributions ang umano’y na-divert at ipinasok sa iba’t-ibang bangko noong 2011 ayon sa National Bureau of Investigation o NBI.
Sa naging pagtatanong ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers sa isinasagawang pag-dinig ng kamara sa mga anomalya sa Philhealth, nabulgar na ang mga premium contributions mula sa kompanyang Accenture ay na-divert pala sa isang Metrobank branch sa Batangas.
Kinumpirma ito mismo ni Atty. Minerva Retanal ng NBI Anti-Fraud Division na humawak sa kaso.
Aniya nakarehistro umano sa IT system ng Philhealth ang bayad ng member corporation na Accenture mayroon pa umanong inilabas na resibo matapos matanggap ng Philhealth ang cheke.
Ngunit nang beripikahin, lumabas aniya na peke ang naturang resibo.
Kinumpirma rin nito na na-trace ang naturang pera sa Metrobank Batangas kung saan dalawa sa kawani nito ay napatay ng riding in tandem. Isa aniya sa nasawing empleyado ay tila may-kaugnyan sa naturang isyu.
Inilagay naman sa archive ang naturang kaso dahil sa kawalan ng complaint mula Philhealth, Accenture at Metrobank dahil nagkaroon na umano ng settlement.
Bunsod nito pinasusumite ng House Committee on Public Accounts at Good Government ang Public Accountability ang lahat ng dokumento na may kaugnayan sa naturang kaso. (Henry Padilla)