Advertisers
BUTAS ang bungo ng retiradong pulis habang kritikal ang kasama niya nang tambangan ng mga kawatan sa Maguindanao.
Kinilala ang namatay na si retired SPO4 Ricardo Audencia Pradas, 66, may asawa; habang inoobserbahan sa ospital si Regalado Salazar, 49, kapwa residente ng Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao.
Sa report ng Ampatuan Municipal Police Station, 9:00 ng umaga nitong Lunes nang maganap ang krimen sa national highway sa Purok 5, Brgy. Kauran.
Ayon sa ulat, sakay ang mga biktima sa kulay itim na mini-van at binabaybay ang nasabing lugar nang dikitan sila ng mga salarin na sakay sa motorsiklo.
Isa sa mga salarin ang naglabas ng cal. 45 pistol at pinagbabaril ang mga biktima. Tinamaan sa ulo si Pradas na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Bago tumakas ang salarin, hinablot nito ang sukbit na sling bag ni Pradas na naglalaman ng malaking halaga ng pera saka tumakas sa hindi malamang direksyon.
Hinala ng pulisya, posibleng kilala ng mga salarin ang biktima dahil alam nilang may dala itong pera.(PTF team)