Advertisers

Advertisers

PH Internet mas bumilis – Report

0 310

Advertisers

NAGING triple ang bilis ng pag-download mula sa Internet para sa fixed broadband ng Pilipinas, ayon sa pinakabagong Ookla Speedtest Global Index Report.

Ayon sa report, naging 25 Mbps na ang average download speed para sa fixed broadband nitong July 2020 mula sa dating 7.91 Mbps noong July 2016, samantalang lampas doble naman ang average download speed para mobile broadband – naging 16.95Mbps para sa parehong buwan ngayong taon mula sa dating 7.44Mbps noong July 2016.

Sinabi ng mga technology expert na isang magandang tiyempo ang pagbilis ng Internet ng bansa, lalo’t maraming Pilipino ang nakadepende rito ang trabaho, kabuhayan, at pag-aaral ngayong panahon ng quarantine.



Nangyari ang pagbilis ng Internet ng bansa makaraang kastiguhin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Globe Telecom, Inc. at Smart Communications sa kanyang State of the Nation Address ngayong taon.

Samantala, pinuri ng Department of Information and Communications Technology ang mga lokal na pamahalaan at ang Department of the Interior and Local Government dahil sa pagsuporta na bawasan ang mga permit at pabilisin ang proseso pagdating sa pagtatayo ng mga cellular tower na makatutulong sa lalo pang pagbuti ng telecommunication services.

Iniulat ni Interior Sec. Eduardo Año nitong nakaraan lang na aprubado na ng mga lokal na pamahalan ang 1,503 ng 1,930 nakabinbing aplikasyon para sa tower construction ngayong 2020.

Ang pangatlong telco player na DITO Telecommunity, na naantala ang roll-out dahil sa pandemya, ay kasalukuyang nagtatayo ng 1,300 cell towers upang matupad ang pangakong makapagbigay ng 27 Mbps Internet speed sa publiko.

Ayon sa DITO, gumagana na ang kanilang 300 towers at plano nilang maitayo ang 2,000 towers bago matapos ang taon.



Sa 45 bansa sa Asia Pacific, pang-20 ang Pilipinas para sa fixed broadband at pang-25 naman para sa mobile broadband.