Advertisers

Advertisers

SIBAKIN NA SI ‘GODFATHER’ DUQUE!

0 544

Advertisers

ANO raw ba ang agimat o anting-anting na hawak ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III, kahit kayrami nang kapalpakan nito, hindi pa rin masibak ni Presidente Rodrigo Roa Duterte?

Hiningi ng 14 na senador noon pa sa Pangulo na pagulungin na ang ulo ni Duque, at ano ang sagot ng Malakanyang: Nananatili ang tiwala ng Pangulong Duterte kay Duque at mala-imposible raw na magnakaw ito, kasi noon pa ay napakayaman na nito?

Ah, pag pala, mayaman, di na magnanakaw at “mahirap” lang ang matutuksong mandambong?



Napakatindi raw kay Duterte ang hawak na MBA (May Backer Ako) ni Duque kaya kahit matindi ang panawagang sibakin ito, nakakapit pa rin sa pundilyo ng Malakanyang.

Well, nabisto sa hearing ng Senado nitong mga nakaraang Linggo na ang MBA ni Duque ay si dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo — ayon kay Dennis Adre naka-floating na vice president ng “Fail Health” sa Mindanao.

Ayon kay Sen. Richard “Dick” Gordon, itong si Duque pala ay isa sa nagmaniobra kaya nanalo si President “I Am Sorry” laban kay Da King Fernando Poe Jr. noong 2004 presidential election.

Itong Godfather ng Fail Health mafia, sabi ni Atty. Thorrsson Montes Keith, ang nakakaalam ng lahat ng ilegal na transaksiyon kaya “nadambong” ang P154-bilyong pondo ng health insurance corporation.

Sa itsura ni Duque sa hearing, halatang iritang-irita ito sa akusasyon nina Keith at Adre na tulad ng dati, panay lang ang pagtanggi sa paratang na siya ang Godfather ng mafia sa Fail Health.



***

Paano napasok si Lola Gloria sa Fail Health plunder?

Noon kasing 2004 presidential race, sa lahat ng survey, lamang ng five million votes si FPJ versus Arroyo.

E, super galing sa pagsipsip si Duque — noon ay president and chairman ng Fail Health — kaya ang ginawa nito, namigay ng libreng five million PhilHealth cards.

Ito ang “Plan 5M to boost Arroyo in 2004,” na sabi ni Adre, pinatawag sila ni Duque sa central office at ini-explain kung papaano po ang distribution ng free health card.

Eto ang matindi: inutusan daw sila ni Duque na ‘wag mamigay ng free PhilHealth cards sa Davao City, kasi hindi kapartido ni GMA ang noon ay Mayor Digong! (Araykupo, Sen. Bong Go!)

Yung mga kumontra sa Plan 5 Million ni Duque ay itinapon kung saan-saang rehiyon.

Nanalo si Lola Gloria, kapalit ang pagkalugi ng PhilHealth kasi hindi nabayaran ang premium.

***

Mula noon, hanggang ngayon, laging lugi ang ahensiya, sabi ni dating PhilHealth Senior Vice President for Finance Greg Rulloda dahil sa overpayment, ghost claims, overpricing sa procurement at marami pang iregularidad na natuklasan ng Commission on Audit (CoA) na umabot sa mahigit na P154 bilyon!

Depensa ni Duque, nang kasuhan siya, inabsuwelto raw siya ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, kasi ‘yun daw Plan 5M ay legal sa ilalim ng enhanced “PCSO Greater Medicare Access” Program.

***

Halimbawa ng anomalya sa Fail Health: Overpayment sa Olegario Gen. Hospital sa Misamis Oriental na binayaran ng P38.2-M gayong ang dapat lang bayaran ay P5-M!

‘Yun B. Braun Avitum Philippines ay binayaran ng P45-M at ng P800-M mula 2015-2018 sa mga pasyenteng dumaan daw sa dialysis treatment.

At bakit kahit kinasuhan na ng “fraud” itong B. Braun, inakredit pa rin ito ng PhilHealth na gumamot ng mga dialysis patients?

Isang ospital sa Bicol region ang tumanggap ng advance payment na P100-M gayong iisa lamang ang COVID-19 patient doon.

Ito lang 2019, mahigit sa P15-B ang nadambong sa Fail Health, sabi ni Atty. Keith na nag-resign bilang anti-fraud officer sa matinding dismaya sa kawalanghiyaan at korapsiyon sa ahensiyang dapat sana ay nakapagbibigay ng maayos, maaasahan at mapagkakatiwalaang universal health care sa lahat ng mamamayang Filipino.

Sabi ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra, sa imbestigasyon nila, malinaw na nagsabwatan ang matataaas na opisyal ng PhilHealth at mga pribadong ospital kaya mabilis na naubos ang pondo ng ahensiya, na mababangka-rote na sa susunod na taon.

***

Naririnig ba ni Tatay Digong, … nababasa ba niya ang lahat ng akusasyon laban sa paborito niyang si Godfather Duque?

Hindi na maitatanggi ang incompetence ni MBA Duque — na dahil sa pawardi-wardi, walang direksyon ang mga kilos laban sa pandemya.

Walang ginawa itong si Duque kundi ang mamigay ng free face masks, asikasuhin ang procurement ng mga gamit, aparato, makina, PPEs at iba pa kontra COVID-19 na bilyon-bilyong piso ang pwedeng maraket ng mga mandarambong sa DoH.

Walang ginawa itong si Duque kundi ang magsipsip sa Pangulo, at isisi sa iba ang pagkainutil ng DoH, at papogihin ang sarili, at pasamain ang mga di niya kakampi sa mafia ng Fail Health.

Panahon na para sibakin, kasuhan at burahin sa gobyerno si Mafia Godfather Duque at ang kanyang mga alipores, ngayon na!

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com