Advertisers
NAGTATAKA ako rito sa mga nagsulong sa kampanya ni Pangulong Rody Duterte noong 2016.
Sinusulong naman nila ngayon ang Revolutionary Government (RevGob) eh may dalawang taon pang nala-labi sa termino ni Pangulong Duterte.
Ayaw na ba nila sa pamumuno ni Duterte o natatakot silang hindi na makatapos ng termino ang Pangulo dahil may karamdaman daw ito?
Nangangamba ba sila na baka biglang bumigay si Duterte at maupong presidente ang Bise Presidente na si Leni Robredo?
Malinaw kasing nakasaad sa ating Saligang Batas na kapag inutil na o nasa malubhang karamdaman tulad ng pagka-comatose ang Presidente, ang papalit ay ang Bise Presidente.
Nitong mga nagdaang araw ay napabalita na isinugod si Duterte sa Singapore para magpagamot. Pero fake news daw ito. Nag-post ng larawan si Senador Bong Go, na nanatiling closed aid ng pangulo, na kumakain si Duterte kasama ang mag-ina nito sa kanilang bahay sa Davao City, patunay na hindi ito umalis ng bansa. Tapos kinagabihan ay napanood sa TV nagkaroon sila nina Go at kanyang spokesman na si Harry Roque sa virtual conference.
Pero ang picture na iyon at virtual conference ay nangyari isang araw matapos pumutok ang isyu na lumipad si Duterte sa Singapore at bumalik daw agad kinabukasan.
Sa pinost na larawan ni Duterte at pagharap niya sa TV camera ay halatang mahina nga ito, mukhang hindi maa-yos ang kanyang kalusugan. Well, 75-anyos narin kasi si Duterte.
May tatlong linggo narin ngayon sa Davao City si Pangulong Duterte. Pero okey daw siya sabi nina Sen. Go at Spox Roque.
Ang ipinagtataka lang natin, matapos pumutok ang isyu sa kalusugan ni Duterte at nahaharap pa sa malaking problema ng pandemya ang Pilipinas ay lumutang naman itong mga nagsusulong ng RevGob. Nagpulong pa sila sa Clark, Pampanga few days ago lang.
Mismong si PNP Chief Archie Gamboa ay umamin na hinihikayat siya ng grupo na sumali sa RevGob.
Binunyag din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang bagay na ito. At ‘di raw siya sang-ayon sa gusto ng grupo na sirain ang Konstitusyon.
Ang pagsusulong sa RevGob ay labag sa bagong batas, ang Anti-Terror Act. Bakit walang aksyon dito ang gobyerno? Bakit hindi nila ipaaresto ang grupo na gustong manggulo, wasakin ang Konstitusyon? Bakit? Dahil ba pabor sa kanila ito? Na kapag nagtagumpay ay hindi na magkaroon ng halalan sa 2022? Takot ba silang magkaroon ng eleksyon baka matalo ang manok ng administrasyon?
Ngayon dapat patunayan ng mga nagsulong sa Anti-Terror Act na seryoso sila sa pagkapanday sa batas na ito. Na ito’y para sa mga manggugulo sa bansa, hindi para sa mga militante o makakaliwala lamang.
Senador Ping Lacson, ikaw ang mastermind sa Anti-Terro Law. Anong say mo dito sa mga nagsusulong ng RevGob? Speak!
***
Si Pangulong Duterte ay hindi dapat palubog-palitaw sa panahon ng pandemya. Dapat nasa Malakanyang siya at araw-araw ay nag-uutos sa kanyang mga gabinete, naghahayag ng mga plano, nag-uulat sa mamamayan ng mga dapat gawin para matapos na itong covid na simula Marso 17 pa natin kinatatakutan, kungsaan napakarami nang jobless at napakarami nang nagsarang negosyo.
Mr. President, where are you? Gusto namin makita at marinig ang boses mo araw-araw para ma-inspire kami laban sa covid 19.