Advertisers
Mariin itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na mayroon kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal na maglabas o magbigay ng mga impormasyon, record, report at data sa kaso ng mga napatay o pinatay na mga miyembro ng mga human rights defender o activist sa bansa.
Ayon kay BGen. Bernard Banac, PNP spokesman, wala umano silang natatanggap na kautusan na nagsaad ng pagbabawal o maglabas ng mga report at data mula sa Pangulo hinggil sa mga pinatay na mga human rights defender at activist sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa krimen.
Sinabi ni Banac na mayroon silang mahigpit na sinusunod na mga procedures at alituntunin na saklaw sa pagkalap at pangangalaga ng mga ebidensiya at data privacy law upang mapangalagaan ang identities habang di pa natatapos ang isinagawang imbestigasyon.
Aniya, sa sandali na ang kaso ay naisampa na sa prosecutor, wala na umano karapatan o kapangyarihan ang police na maglabas o magbigay ng anoman detalye ng walang kaukulamg permiso o clearance mula sa nakatalagang prosecutor.
Nauna rito, inihayag ni CHR Commissioner Leah Tanodra-Armamento, naka-pending o hindi umuusad ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa may 89 activist na pinatay dahil sa pinagbawalan ni Pangulong Duterte ang PNP na maglabas o magbigay ng copya ng report at data ang CHR at sanhi ng covid-19 pandemic
Sa kasalukuyan nasa 89 kaso ng pagpatay sa human rights defender/ activist mula 2017 hanggang 2019 ang inimbestigahan ng CHR.
Inihayag ni Banac na malaya ang CHR na magsagawa ng kanilang imbestigasyon batay sa kanilang itinakdang mga alituntumin sa pagkalap ng ebidensiya na hiwalay sa kanilang ipinapatupad na standard protocol. (Mark Obleada)