Advertisers
GUSTONG paimbestigahan ni Manila Mayor Isko Moreno sa National Bureau of Investigation (NBI) at maipatapon pabalik sa China ang dalawang Chinese national na “utak” ng brand label na “Manila, Province of China”.
Ayon sa liham ni Moreno sa NBI: “We are requesting that an investigation be conducted on the business operations of EFPBI and if warranted, cause the filing of criminal complaints against the corporation and its officers and/or incorporation.”
Sa liham naman ni Moreno sa Bureau of Immigration (BI) sinabi nito na: Mayor Isko to BI: “We are requesting that deportation proceedings be initiated against Shi Zhong Xing and Shi Li Li. We are willing to submit relevant documents that may be used in the said proceedings.”
Tinukoy din ni Moreno ang produkto at kumpanya sa likod ng kontrobersyal na label sa kanyang Facebook Live at ito ay cosmetic products na ibinebenta ng Elegant Fumes Beauty Products Inc.
Sinabi ni Moreno na ang ginawa ng mga nabanggit na Chinese nationals ay hindi katanggap-tanggap.
“Dalawang Chinese nationals (ay nag-ooperate ng business establishment). Akin pong gagawin ay susulat sa Bureau of Immigration to deport and declare these two Chinese nationals as undesirable aliens,” ani Moreno.
“Hindi po ito katanggap-tanggap sa akin bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito. Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi Pilipinas. Ang maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng China; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” dagdag pa ni Moreno.
Sinabi ni Moreno na hindi niya hahayaan ang mga superpower na bansa na parang pinipitik-pitik lang tayo sa mata at binabalewala nila ang soberamya ng ating bansa.
“Hindi po ako governor ng China, Mayor po ako ng Manila, Philippines. Yan po ang address ng Maynila. Maynila ay Pilipinas, at ang Pilipinas ay malaya. May sariling soberanya,” ayon pa kay Moreno.
Una nang iniutos ng alkalde kay Bureau of Permits director Levi Facundo na mag-isyu ng closure order at revocation of permit to operate laban sa negosyo ng mga naturang Chinese nationals sa Binondo.
Ayon kay Facundo, lumabag ang establisimiyento sa rules and regulation ng Food and Drug Administration (FDA).
“Hindi ito maliit na bagay dahil ito ay misrepresentation. Misrepresentation meaning you’re selling a product and mali yung information,” ayon kay Facundo.
Una nang ipinasara ang apat na establisimiyento na nagbebenta ng cosmetics product na may label na Binondo, Manila, Province of China. (ANDI GARCIA)