Advertisers
TATLO katao ang naaresto sa buy-bust operation sa bayan ng Calasiao, Pangasinan matapos makunan ng P340,000 halaga ng shabu nitong Miyerkules, ayon sa lokal na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Huli ang target ng operasyon na si alyas “Jing,” 47, na taga-bayan ng Aguilar pero nangungupahan sa Calasiao, sabi ni Rechie Camacho, assistant director ng PDEA-Pangasinan.
Kasama nahuli ang 43-anyos na babaeng online reseller at isang 40-anyos na magsasaka, na parehong kasabwat umano ni “Jing” sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Nakumpiska sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalagang P340,000.
Dati nang nakulong ang mga suspek dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga pero nakalaya rin, sabi ni Camacho.
Kumpiskado rin ang ilang cellphone na ginagamit sa pakikipagtransaksiyon sa buyers.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakikipag-ugnayan naman ngayon ang PDEA sa pulisya para higpitan ang checkpoints, lalo na sa pagsita sa mga pribadong sasakyang madalas ginagamit sa pag-transport ng ilegal na kontrabando. (PTF team)