Advertisers
PINAKINGGAN namin noong Martes ng gabi ang isang komentarista sa radyo. Mabigat ang kanyang mga binitiwang salita. Ipinaliwanag niya ang batas tungkol sa kalusugan ng pangulo. Kailan na ipinagtatapat iyan sa publiko sapagkat itinatadhana iyan ng Saligang Batas.
Isang paglabag sa batas ang itago ang katayuan ng kalusugan ng pangulo, aniya. Kaya nararapat lamang na ipagtapat ang totoong lagay ng kalusugan ni Rodrigo Duterte, aniya. Hindi maaari na hindi nakikita si Duterte, aniya. Iisipin ng kanyang nasasakupan na hindi na niya kaya ang maglingkod bilang pangulo, o sumakabilang buhay na siya.
Masyadong maraming kumakalat na espekulasyon, haka-haka, o tsismis. Upang mapawi ang lahat ng takot, pangamba, at haka-haka, marami ang naghahamon na lumabas sa publiko si Duterte – sa harap ng ningning ng mga kamera ng telebisyon. Tinutulan niya ang ginagawa ng Malakanyang na naglalabas ng mga precorded tape ni Duterte.
“Kung totoong buhay at malakas pa siya, bakit hindi siya lumabas sa publiko, sa telebisyon para makita ng lahat,” sa isang madamdaming komentaryo. “Isang paglabag sa batas ang kanyang pagtatago at paglilihim sa kalagayan ng kanyang kalusugan,” aniya.
Umugong sa social media noong Sabado ang balitang dinala umano si Duterte sa isang Lear Jet at ipinasok sa isang pagamutan sa Singapore. Bagaman naging isang krisis ang sitwasyon, inabot ng lampas 24 oras bago nagpaliwanag si Bong Go, ang alalay ni Duterte, na nagsabing nasa Davao City ang lider at hindi umaalis. Naglabas din ng ilang larawan si Bong Go, ngunit pinaghinalaan lamang ito na dinoktor sa pamamagitan ng photoshop.
Kinagabihan ng Linggo, naglabas ng video tape si Bong Go na kasama si Duterte, ngunit kataka na hindi tahanan ni Duterte ang background. Mukhang nasa ospital siya sapagkat may nakatalang SR-1 sa background na ang ibig sabihin ay “Side Room – 1), ang lengguwahe sa mga pagamutan.
Lumabas si Duterte sa telebisyon halos hatinggabi ng Lunes, ngunit malaki ang hinala na prerecorded ito noong umaga ng Lunes. Mas tumindi ang hinala ng sabihin niya sa telebisyon: “Wala kayong pakialam kung pumunta ako sa Singapore.”
Lalong gumulo ang usapan nang sabihin ni Herminio Roque (ito ang tunay niyang pangalan) na nasa “perpetual isolation” si Duterte. Walang katumbas sa larangan ng medisina o batas ang perpetual isolation. Pinagtawanan lamang ang tila hindi nagse-seryosong tagapagsalita. Inulan din siya ng matinding batikos. Mas lalong tumindi ang hinala na may nangyari kay Duterte dahil sa iresponsableng pahayag ni Roque.
***
SAMANTALA, mistulang asukal na nilalanggam si Bise Presidente Leni Robredo. Ayon sa Saligang Batas, siya ang lehitimong kahalili kung sakaling mamamatay o mabalda si Duterte. May mga ilang pulitikong balimbing na nabalitang nagmano umano kay Leni at nagparamdam na nakahanda silang “tumulong” at maglingkod sa Bise Presidente.
Nanatiling tikom ang bibig ng Pangalawang Pangulo. Hinahawakan niyang mahigpit ang kanyang mga baraha. Wala siyang binitiwan na salita na magpapababa lamang sa kanyang katayuan sa pulitika ng batas. Tila naghahanda siya sa anuman na mangyayari kung tuluyan bumigay ang kalusugan ni Duterte.
Hindi malayo na ideklara niyang ilegal ang sinumang grupo ng mga militar na magtatangkang agawin ang kapangyarihan sa lehitimong kapalit ng pangulo. Hindi maaari ang military junta bilang kahalili na katulad ng sinasabi ni Duterte sa huling pagharap niya sa telebisyon. Walang basehang legal ang military junta.
Ngayon, may mga ilang scenario na maaaring mangyari kung sakaling mawala si Duterte. Una ang pag-uutos ni Leni ng isang state funeral para kay Duterte. Maaaring maganap ang kanyang libing sa Davao City dahil ito ang kanyang hiling.
Maaaring iutos ni Leni ang pansamantalang pagsasara sa Malakanyang upang malapatan ng karampatang gamot ang opisina ng presidente na pinasok ng mga Covid-19. Maaaring magpatawag ng mga ilang lider simbahan upang muling basbasan ang Palasyo at paaalisin ang mga masasamang espiritu doon.
Mabilis na iuutos ni Leni ang pagbalasa sa gobyerno at hindi kami magtaka kung tuluyang sipain ang mga opisyales na matapat kay Duterte at ipalit ang mga taong may totoong damdamin na maglingkod sa bayan
***
GINUGUNITA ng bansa ang ika-48 anibersaryo ng makasaysayan at madamdaming pagkitil sa buhay ni Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Pataksil na pinatay si Ninoy Aquino sa pandaigdigang paliparan sa Parañaque City. Dito nag-umpisa ang pagbagsak ni Ferdinand Marcos. Kumalat ang kilos protesta laban sa diktadurya.
Malaki ang papel na ginampanan ni Ninoy Aquino sa kasaysayan. Dahil sa kanyang mapangahas na paglaban kay Marcos, lumitaw ang kanyang biyuda na si Cory at anak na si Noynoy bilang mga pangulo ng bansa. Ibang klase si Ninoy. Ibang klase ang pamilya Aquino.
***
MGA PILING SALITA: “I’ve received messages from people genuinely remorseful of their support for Duterte, apologizing for their offensive posts. There is hope.” – Tess V., netizen
“Blame it to the subalterns of the sick old man of the South. They have been bungling the task of handling those rumors and loose talks about the health of their wayward master.” – Bernie Festin, netizen
“The sick old man has premonitions of his impending death. He said so. Whether he has made preparations is another story.” – Kate Foja, netizen
“No one can question the heroism of someone who actually died for the country and whose sacrifice was a turning point in the restoration of democracy in our nation. Remember his death. Celebrate his life. Salamat Ninoy Aquino.” – Pilo Hilbay
***
Email:bootsfra@yahoo.com