Advertisers
Sa larangan ng edukasyon ay pagtutuunan ang araling GOOD MANNERS AND RIGHT CONDUCT (GMRC) na napakahalagang bagay na matututunan ng ating mga kabataang mag-aaral; kung saan, bilang pagpapairal sa kagandahang-asal ay dapat na unang maging ehemplo ay ang lahat nating mga GOVERNMENT OFFICIALS.
Isa ako sa nakakapansin na ang mga bata ay bukambibig na nila ang pagmumura.., magalit man o matuwa ay pagmumura ang nasasambit ng mga ito na siguradong natutunan ng mga ito ang pagmumura mula na rin sa mga matatanda, na ugaling dapat ay mabago sa lahat para sa sinasabing GMRC.
Ang ibang mga bata ay ikinakatuwiran na hindi raw masama ang pagmumura dahil mismong si PRESIDENT RODRIGO DUTERTE ay malutong sa pagmumura kahit sa mga public speaking nito o kahit sa pagharap para sa national television.
Sa isinagawang unang PAMAMARISAN-RIZAL PRESS CORPS ONLINE MEDIA CONFERENCE VIA ZOOM na ang GUEST SPEAKER ay si PASIG CITY CONGRESSMAN at BASIC EDUCATION AND CULTURE COMMITTEE CHAIRMAN ROMAN ROMULO ay napag-usapan ang iniakda niyang pagtuturo sa paaralan ng araling GMRC ay nabanggit nito na gagawa umano sila ng RESOLUTION patungkol sa lahat ng ating mga GOVERNMENT OFFICIALS, na maging maingat sa pananalita at huwag magmumura kapag naiinterbyu o nagsasalita sa mga television networks upang huwag matularan ng ating.mga kabataan.
Dapat lamang mailunsad ang mga ganitong panuntunan upang mapaigting ang ugaling kagandahang-asal tulad na lamang sa paggalang sa mga nakatatanda na pagmamano o ang pagbigkas ng PO o OPO.
Ang ating mga GOVERNMENT OFFICIALS ang dapat magpakita o maging halimbawa ng GMRC at dapat ay mapag-aralan din ni PRES. DUTERTE na maalis ang kaniyang pagmumura kapag nagsasalita sa publiko o sa mga MEDIA INTERVIEW upang ang kabataan natin e huwag ikatuwiran na walang masama sa pagmumura dahil mismong Presidente ay laging nagmumura.
Bahagi rin sa paglinang para mapabuti ang asal ng mga kabataan natin at mapairal ang paggalang sa mga nakatatanda ay dapat ding magmula sa hanay ng MEDIA PERSONALITIES.., dahil may mga TV NETWORK tayo na tila hindi naipapakita ang PAGGALANG SA MGA NAKATATANDA.., tulad na lamang halimbawa sa newsreporting.
Batambatang edad o halos kaka-graduate lamang sa pag-aaral at pinalad namang.maging reporter ay mapapansin natin sa kanilang EXTRO tulad ng “YES MIKE” o kaya ay “YES MEL” na ang kausap ng batambatang reporter ay ang mga NEWS ANCHOR na sina MIKE ENRIQUEZ at MEL TIANGCO.., at ito ay maaaaring hindi napapansin ng mga network na hindi naipapakita rito ang paggalang sa mga nakatatanda na okey lamang tawagin sa pangalan ang mga SENIOR.
Ika nga, hindi sapat na idagdag lamang sa aralin ng.mga bata ang GMRC.., kundi, ang dapat na pasimulan ng lahat lalo na’t mga EDUKADO ang mga nasa larangan ng COMMUNICATION ay TAYO mismo na mga SENIOR at sa mga nasa TV/RADIO NETWORKS ang unang magpakita ng kagandahang-asal at pagpapahalaga sa paggalang sa mga nakatatanda.
Sa aspetong ito ay maaaring mapag-inam pa ng komiteng pinangangasiwaan ni CONG. ROMULO ang mga dapat na maipaloob bilang requirements sa pagtuturo ng GMRC.., na bukod sa pagtuturo sa loob ng eskuwelahan ay tayo na nasa hanay ng MEDIA kasama ng lahat na mga GOVERNMENT OFFICIALS ang dapat kakitaan sa pagpapahalaga ng GMRC!
LIBRE PALIBING SA QC!
Sa mga residente ng QUEZON CITY partikular ang mga mahihirap na sektor ay hindi na magpoproblema sa aspeto ng pinansiyal kapag namatayan ang mga ito sa miyembro ng kanilang pamilya, dahil libre na o wala nang gagastusin pa sa pagpapalibing sa mga sementeryo.
Sa pamamagitan ng VIRTUAL MEMORANDUM OF AGREEMENT (MOA) SIGNING CEREMONY kahapon ay nilagdaan ni QC MAYOR JOY BELMONTE at ng 9 na mga FUNERAL PARLOR para sa programang LIBRENG PALIBING sa kanilang lungsod.
Base sa nasabing programa ay hindi na aalalahanin pa ng INDIGENT RESIDENTS ang pagpapalibing sa kanilang.mga namatay na kapamilya dahil sasagutin na ng QC GOVERNMENT.
Gayunman, hanggat maaari ay dapat na mapanatili natin ang seguridad ng ating pangangatawan dahil mahirap ang mamatayan ngayong panahon ng PANDEMIC, dahil limitado ang maaaring makiramay sa panahon ng burol at habang umiiral ang COVID-19 ay kailangan pa ring sundin ang ipinaiiral ng gobyerno para sa pagsusuot ng FACE MASK at FACE SHIELD.
Sa QC.., ang multa sa hindi pagsusuot ng FACE MASK at FACE SHIELD ay naibaba ang halaga ng mga multa sa pamamagitan ng pinaamyendahang penalties na inakdaan nina COUNCILOR FRANZ PUMAREN at DIORELLA MARIA SOTTO-ANTONIO na inaprubahan naman ito ng QC COUNCIL.
Ang dating ORDINANCE ay multang P1,000; P3,000 at P5,000 sa ika-3 pagkakaaresto…, na ang isinulong naman nina PUMAREN at SOTTO-ANTONIO ay naibaba ang multa sa P300; P500; at P1,000 sa ika-3 paglabag na maaari ring.maharap sa pagkakulong ng isang buwan ang mga pasaway base sa pagpapasiya ng korte.
“By wearing a mask, we not only protect ourselves from contracting the virus but our families, friends and communities,” pahayag ni MAYOR BELMONTE.
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.