Advertisers
MARAMING award-winning directors ang produkto ng screenwriting workshops ng multi-award winning at Plaridel awardee na si Ricky Lee.
Nandiyan sina Jeffrey Jeturian, Leo Abaya, Dado Lumibao, Ralston Jover, Senedy Que, Eduardo Roy, Jr., Thop Nazareno, Olivia Lamasan, Lav Diaz at marami pang iba.
Katunayan, ayon sa multi-award winning at internationally-acclaimed director na si Lav Diaz, napakalaki ng utang na loob niya kay Ricky.
Isa raw kasama sa unang bahagi ng batch ng scriptwriting workshop ng nasabing maestro.
Aniya, marami raw siyang natutunan sa pagtuturo ni Lee sa kanya bilang bahagi noong nag-uumpisa pa lamang siyang nahuhubog bilang manunulat ng mga dulang pampelikula.
Balik-tanaw pa niya, panahon ng Martial Law nang magpatala siya sa mga aralin ni Ricky sa libreng pagsulat ng iskrip.
“Ang higit na mahalagang natutunan ko kay Ricky ay ang kalayaan ng isang manunulat, ng isang scritptwriter,” aniya.
“Paglaya ng isang alagad ng sining, ‘yon ang mahalagang natutunan ko kay Ricky,” dugtong niya.
Pagkatapos ng kanyang unang iskrip, marami rin daw ginugol na panahon sa pagsusulat.
Nakaranas siya ng maraming rejection dahil walang gustong mag-prodyus ng kanyang mga ideya.
Gayunpaman, hindi raw iyon naging hadlang para mas magpursigi pa sa larangan ng screenwriting and eventually, filmmaking.
Ang dami nang nilakbay ni Lav hanggang sa makilala siya bilang world-class filmmaker na kilala sa mga A-list international filmfests tulad ng Venice, Cannes at Berlin.
Ang kanyang obrang Norte, Ang Hangganan ng kasaysayan ay naging kalahok sa Un Certain Regard section ng 2013 Cannes Filmfest.
Nanalo naman ng Golden Leopard award ang kanyang “Mula sa Kung Ano ang Noon” sa 2014 Locarno International Film Festival.
Wagi naman ng Alfred Bauer Prize ang kanyang “Hele sa Hiwagang Hapis” sa 66th Berlin International Film Festival samantalang ang “Ang Babaeng Humayo” ay tinanghal na Golden Lion awardee sa 73rd Venice International Film Festival.
Ang “Sa Panahon ng Halimaw” naman na naging kalahok sa 68th Berlin International Film Festival ay nagwaging best film sa Gems Section ng Cartagena Film Festival.
Ang pinakabago niyang obrang “When the Waves are Gone” ay kalahok sa The Films after Tomorrow competition ng Locarno filmfest. (Archie Liao)