Advertisers
Maraming kababayan natin ang may ispekulasyon o kuro-kuro na kailangan na ng ating mahal na Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) Ed Año ang isang time-out o pahinga para naman sa kanyang sarili at pamilya.
Saksi tayong lahat sa nangyari kay Sec. Año na kung saan ay nagpositibo siyang muli sa covid-19 the second time around. Una siyang nagpositibo noong Marso 2020 at muli na namang naulit nito lamang Agosto ng kasalukuyang taon.
Di-kaila sa atin, si Año ay isa sa ating mga Kalihim na nag-pakita ng sinseridad at dedikasyon sa trabahong inatas sa kanya partikular na ang kanyang alituntunin at programang pinapatupad laban sa killer virus.
Pinakita niya ang kanyang kaseryosohan sa pagpapatupad sa mamamayan at sa buong bansa ang ilan hakbang na kanyang personal na inaral upang pigilan o ma-mentena man lang ang pandemic.
Ipinapalagay ng iba na kung kaya’t muli siyang nagpositibo sa covid-19 ay sa dami ng kanyang kinakaharap na mga tao sa iba’t ibang lugar ng bansa, over-exposure ika nga o dili kaya ay pagod na talaga ang mama.
Ang lahat ng ito ay di niya alintana at ang tanging layunin lang niya ay para sa kapakanan ng publiko’t wala ng iba. Wala na rin siguro siyang paki-alam sa kung ano man ang mangyari o dumating sa kanyang buhay.
Ang ating mahal na kalihim ay alam nating may edad na at isa na ring senior citizen. Siguro’y ito na ang takdang panahon upang gamitin naman niya para sa kanyang sarili ang kanyang pinapatupad sa mga senior na “stay home” na lang sila dahil sa vulnerable sila sa anumang karamdaman.
Maliban sa vulnerable sinasabi rin niyang madalas na mahina na rin ang immune system ng may mga edad. Maging ang kanilang mga anti-bodies ay madupok na rin kung kaya’t pinapayo niyang pumirmis na lang sa kanilang mga bahay ang mga senior kung wala rin namang gagawin o pupuntahang mahalaga.
Ito na rin siguro ang takdang oras upang i-apply naman niya sa kanyang sarili ang kanyang mga pinapatupad. Hindi na siguro biro ang maging positibo sa covid-19 the second time around.
Alam din natin na sa kabila ng kanyang ginagawang pag-iingat sa kanyang sarili kagaya ng pagsusuot ng face mask na dinagdagan pa ng face shield at pag-obserba ng social distancing ay na-tsambahan pa rin siya.
Siguro raw kung may barrier pa siyang hawak bukod sa face mask at face shield maski hindi siya naka-motor ay hindi siya basta-basta mahahawa, joke joke joke he he he. Masyado na sigurong over-acting kung makikita natin si sekretaryong naka-face mask, face shield at may hawak pang barrier, baka hindi na siya makahinga.
Siguro naman sa puntong ito ay hindi bawal humingi ng time-out o pahinga sa kadahilanang tayo’y tao lang at hindi mga robot at di susing bagay na walang kapaguran.
Sa pagkakataong ito, kailangan na siguro ng ating mahal na kalihim ang isolation, complete bedrest at higit sa lahat ay isipin niya muna ang kanyang sarili bago ang kapakanan ng iba, di ba?
Isa, dalawang beses ay tama na, mahirap na sigurong maging positibo sa covid-19 the third time around kaya galingan na natin at husayan ng husto sir!
Alam naming hangarin niyo na magsilbi sa abot ng inyong makakaya para sa sambayanang Pilipino kung kaya’t kayo’y magpagaling, magpahinga at iayos ang sarili. Relax naman at iwanan muna ang trabaho.
Hangad naming lahat na manumbalik ang dati niyong sigla at saya gayon din ang inyong mabuting kalusugan at magandang pangangatawan. KUDOS AT MABUHAY KA SECRETARY AÑO!!!