Advertisers
PATULOY ang adbokasiyang paglilingkod sa mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng pandemya partikular sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
Umabot sa bilang na 360 OFWs na nakatakdang i-repatriate ng Philippine Government ang inayudahan kamakalawa nina da-ting national gymnastics team member at naging national coach Robingen Bernardo Padiz na nakabase na sa naturang gulf nation katuwang ang kanyang ka-Harley riders na GRAB Bayanihan.
Sa tulong ni PH Ambassador to Saudi Arabia Adrian Alonto at nakiisa sa pag-apruba ng naturang adbokasiyang si Muammar Hassan ay naiparating nina Padiz at GRAB ang kanilang ayuda sa mga kababayang naghihintay sa King Khalid Airport na apektado ng krisis at nakatakda nang umuwi sa Pilipinas.
Tampok sa kanilang ayuda ay ang pagkain at health materials ng daan-daang repatriated OFWs habang inaantay nila ang paglulan ng eroplano pauwe ng bansa.(Danny Simon)
“Bagama’t nagkaroon ng konting aberya sa seguridad sa aming pagpasok sa paliparan na naplantsa naman agad ng ating kinauukulan na amin namang pinasasalamatan ay naging smooth ang ating pamamahagi ng ayuda at nakita natin ang ngiti ng ating mga kababayang naapektuhan sa gitna ng krisis,” sambit ni Padiz via messeger.
Kamakailan ay namahagi rin sina Padiz at GRAB Bayanihan sa suporta rin ng mga magulang ng kanyang mga estudyanteng expats sa International School sa Riyadh, samahang Bilyaristang Pinoy sa Saudi at iba pa.
Ang pagiging matulungin at sportsman, educator at riding enthusiast ni Robingen ay kanyang namanang ugali kay Maestro Servillano Padiz-namayapang Ama ng Philippine Sepak Takraw.