Advertisers
Tutol ang Department of Health (DOH) sa resulta ng isang pag-aaral mula sa Ateneo de Manila University na nagsasabing aabot sa halos 3 milyong COVID-19 cases sa bansa ang underreported.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, bigo ang researcher na ikonsidera ang pagkakaiba ng health system ng Pilipinas at iba pang bansa na nabanggit sa naturang pag-aaral.
Saad pa ni Vergeire na hindi raw tama na isama ang case fatality rate o bilang ng mga namamatay dahil sa COVID-19 sa mga basehan ng research.
Base sa 13 pahinang research mula sa Department of Economics ng Ateneo, nakasaad na 96% hanggang 99% ng COVID-19 cases mula sa tinatawag na ASEAN-5 countries, kabilang diyan ang Pilipinas, Malaysia, Indonesia, Thailand at Singapore ang hindi na-detect mula Abril hanggang Hunyo.
“Roughly three million Filipinos ( 2.6% of the National population) may have been infected by the virus in the same period – the worst record in the ASEAN-5 group in percentage terms,” nakasaad pa sa research.
Tiniyak pa ni Usec. Vergeire, bukas naman ang ahensiya sa mga ganitong pag-aaral pero dapat umanong maging maingat sa paghahambing ng estado sa ibang bansa dahil posibleng magdulot ito ng mali o hindi patas na interpretasyon. (Josephine Patricio)