Advertisers
LIKAS na matulungin at maawain ang veteran director na si Neal Tan. Ilang beses na namin itong napatunayan, pati na ng ilang mga kasamahan sa entertainment media.
Sa mga nakalipas na buwan, mula nang nagsimula ang pandemic na dulot ng Covid19, tahimik na tumutulong si Direk Neal sa mga ordinaryong tao sa kalye, homeless, at frontliners natin na definitely, mga bagong bayani ng ating bansa na ang kategorya ngayon.
Base sa nakita naming mga nakaraang FB post ni Direk Neal, namigay siya ng loaf breads at personal na nagluto ng mga pagkain para ibigay sa Covid19 frontliners, sa mga homeless, sa mga pamilyang nangangailangan, at sa mga kapitbahay niya, bilang simbolo ng bayanihan.
Recently, ito ang nakita naming FB post ni Direk Neal: “Few days ago I saw this man and three kids habang nagsisiksikan sa loob ng trike na ginawa na yata nilang bahay. There was heavy rain, halos baha na sa paligid gustuhin ko mang bumaba ng sasakyan di ko magawa so I promise myself na balikan sila.
“Nag-iisa lang siya, nangalakal ang tatlo niyang apo. Kaunti man lang silang pwede kong ayudahan, at least may napakain kang iba, nabusog at napasaya. I always remember this great word of wisdom from Mother Theresa “If you can’t feed a hundred people then feed just one.”
Bukod sa pagiging director, musician, at magaling na cook, si Direk Neal ay isang mahusay din na painter. Kaya isa sa naisipan niyang gawing proyekto ay ang Art for a Cause.
Iba ang passion at husay ng kamay ni Direk Neal sa pagpipinta. Kaya naging part ng advocacy niya ang Art For a Cause na ang kanyang mga obrang binibili ng mga art aficionados ngayong pandemic ay itinutulong niya sa mga nangangailangan.
Inusisa namin siya kung paano pumasok sa kanya ang ideyang ito.
Esplika sa amin ni Direk Neal, “Yung sa Art For A Cause naman ay naisip ko lang, kasi rati pa ako nagpo-post ng hotmeals para sa homeless and frontliners sa sarili kong budget. Sa kaka-post ko, ang daming gustong mag-donate ng pera. Pero sabi ko ay hindi ako tumatanggap ng donasyon.
“Kaya naisip ko itong mga paintings ko, na kapag may gustong bumili, kung magkano lang ang kaya nila, ‘yun ang kapalit. Bale pandagdag tulong na pang-ayuda.”
Ilang paintings na ang nagawa niya para sa Art For a Cause?
Tugon niya, “Iyong pandemic paintings ko, puwede mong makita sa mga (FB) posts ko simula nang mag-quarantine. At the very least, naka-sampu na siguro akong paintings.”
Si Direk Neal ay isa sa resident director ng BG Films ni Ms. Baby Go. Ang pelikulang Bigkis, Homeless, at Balatkayo ang natatandaan naming nagawa niya kay Ms. Baby.
Ilan pa sa nagmarkang movies ni Direk Neal ang Ataul for Rent, Tarima, OFW, The Movie, at iba pa. (Nonie V. Nicasio)