Advertisers
SWAK sa kulungan ang isang delivery boy nang makunan ng iligal na droga sa buy bust operation ng Quezon City Police District (QCPD), habang dinakip din ang isang pulis nang makialam sa drug operation sa Quezon City, Martes ng gabi.
Kinilala ang nadakip na sina Cpl Jose Jake Raposas Jr, 35, nakatalaga sa QCPD Eastwood Police Station 12 at residente ng Karangalan Village, Barangay Manggahan, Pasig City; at Robbee Dela Torre alyas “John”, 32, nakatira sa No. 18-E Simon St., La Loma, Brgy. San Isidro Labrador, QC.
Ayon sa ulat, 7:30 ng gabi nang isagawa ng QC Kamuning Police Station 10, Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang drug operation sa Mother Ignacia Ave., corner Sct. Albano St., South Triangle, QC.
Sa report, nakatanggap ng impormasyon ang mga kapulisan hinggil sa illegal na gawain ni Dela Torre kaya nagkasa ang buy bust laban dito at isang pulis ang nagpanggap na buyer.
Ayon sa ulat, sa gitna ng operasyon ay biglang dumating si Corporal Raposas sakay ng motorsiklo at bumunot ng kanyang service firearm at nagpakilala na isa rin pulis, saka sinabi na “Tropa din ako, Pulis din. Huwag niyo hulihin ‘yan, Trabaho namin yan,” dahilan upang arestuhin din ito.
Kinasuhan ng ‘Obstruction of Justice at Grave threat’ si Raposas, habang si Dela Rorre ay paglabag sa RA 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs matapos makunan ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000. (Boy Celario)