Advertisers
Halos anim (6) na buwan nang nakikipagbuno ang ating bansa at ang buong mundo laban sa salot na covid-19 ngunit tila ngayon pa lamang nagiging seryoso ang gobyerno sa kanilang mga hakbangin sa paglaban sa pandemya.
Di ba inasahan ng pamahalaan na ganito kalaki ang magiging epekto nito sa ating bansa?
Sa figures pa lamang ng mga direktang tinamaan ng covid-19 na umaabot na sa bilang na 200 libo at sa mga nasawi na halos magda-dalawang libo, makikita na ang lalim ng sugat na idinulot nito sa mga Pilipino.
Di pa kabilang diyan ang paglumpo ng pandemya sa ekonomiya ng bansa at ang mahigit sa pitong milyong manggagawa sa loob at labas ng Pilipinas na nawalan ng hanapbuhay.
Hindi birong trauma ang idinulot nito sa bawat pamilyang Pilipino, mayaman man o mahirap, mga negosyante man o mga ordinaryong obrero.
Bagama’t lamang ang may mga pera sa krisis na ito, di natin maiaalis na ang lahat ng antas ng lipunan ay apektado, lalo na sa aspeto ng pagpapagamot o health care system ng bansa.
Umaaray ang mga katulad ni Juan dela Cruz pagdating sa swab testing pa lamang.
Imposible kasing kayanin ng isang ordinaryong mamamayan ang walong libong (8K) piso sa swab testing.
Kung sa face mask at face shield pa lamang ay iniinda na ng tao ang pambili eh di mas lalo ang 8K para sa swab test.
May panukala ang gobyerno na i-subsidized ang bayad sa test na ito upang pagaanin ang dinadalang pasanin ng sambayanan.
Bagamat tila atrasado na ang hakbang na ito ng pamahalaan, Masasabi na ring “better late than never”.
Sa swab test, di lang ito gagawin ng isang nag-positive sa covid-19. Paulit-ulit ito hanggang madetermina na covid free ka na nga.
Madugo talaga ang prosesong ito kumpara sa ibang test na isinasagawa sa mga dinapuan ng virus.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com