Advertisers
“Wala pong bayad ang swab test sa Maynila.”
Ito ang giit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso makaraang matanggap na ng lokal na pamahalaang lungsod ang karagdagang Polymerase Chain Reaction (PCR) swab testing machine.
Ayon kay Domagoso, ang PCR Swab testing machine ay ilalagay sa bagong itatayong molecular laboratory sa Sta. Ana Hospital kung saan nakalagay din ang unang PCR testing machine.
Bukod sa mga swab testing machine ay matatagpuan din sa Sta. Ana Hospital ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) na may 171 bed capacity na para sa mga COVID-19 confirmed cases.
Kaugnay naman nito ay tuloy-tuloy ang libreng “drive-thru” testing center sa Maynila na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan at Quirino Grandstand at libreng “walk-in” testing sites na matatagpuan sa Ospital ng Sampaloc, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) at Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH).
Ang mga naturang testing center ay libreng ihahandog sa mga residente at hindi residente sa lungsod ng Maynila basta’t magdala lamang ng valid ID.
Pinayuhan naman ni Domagoso ang publiko na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa Manila Health Department sakaling may maningil sa mga ito kapalit ng serbisyo ng serology test at swab testing ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila.(Jocelyn Domenden)