SHABU PA MORE!
Higit P13m shabu sa pakete Chinese tea huli sa Lanao del Sur; P249K sa Malabon; P340K sa QC; at P.3m sa Las Piñas
Advertisers
NASABAT ng mga awtoridad ang nasa P13 milyong halaga ng shabu sa dalawang pakete ng Chinese tea sa Malabang, Lanao del Sur nitong Biyernes ( Agosto 14) sa buy-bust operation sa Barangay Bago Ingud, Malabang.
Tumambad sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police ang dalawang pakete ng Chinese tea na may lamang 2 kilo ng shabu at nagkakahalaga ng P13.6 milyon. Arestado rito ang lima katao, isa ay menor de edad na itu-turnover sa Department of Social Welfare and Development.
Bumagsak naman sa kulungan ang dalawang ginang na tulak ng droga sa buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Josephine Tagudin, 36, ng Brgy. Bato-Bato Quezon City; at Jeanette Atenia, 58, ng Brgy. Real 2, Bacoor, Cavite.
Sa ulat, 11:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Bagong Lote St. Brgy. Potrero, Malabon. Nakumpiska sa mga ito ang nasa 36.7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P249,560.
Timbog rin apat katao matapos makuhanan ng P340,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong gabi ng Lunes.
Ayon sa ulat, nasa edad 18 hanggang 24 ang mga nadakip na pawang taga-Barangay Commonwealth.
Nakuha umano sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu, 3 cellphone, drug paraphernalia, at ang perang ginamit sa buy-bust operation.
At arestado naman ang dalawang drug suspects nang makuhanan ang mga ito ng shabu na nagkakahalaga ng higit P.3 milyon sa isang anti-drug operation Linggo ng gabi sa Las Piñas City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Arnel Calamba, 40, ng #4851, 12 St., Santo Nino, Parañaque City; at Marlon Chavez, 40, ng Opal St., San Antonio, Brgy. CAA, Las Piñas City.
Sa report , 7:50 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa Balikatan St. Brgy. CAA ng nabanggit na siyudad. Nakuha sa kanila ang 54.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga P368,560.00, isang motorsiklo at sling bag. (Mark Obleada/Beth Samson/Gaynor Bonilla/Boy Celario)