Advertisers
NAGHAIN si San Antonio, Nueva Ecija Mayor Arvin Salonga sa Office of the Ombudsman ng kaso kontra kay Police Regional Office 3 Director, Brig. Gen. Rhodel O. Sermonia, dahil umano sa paglabag nito sa Section 63 ng Republic Act 8551 o “The Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998.”
Noong Agosto 5 isinampa ni Salonga ang limang pahinang reklamo na nag-aakusa kay Sermonia ng “graft and corruption” at “grave abuse of authority.”
Ginawa ang demanda dahil sa utos ni Sermonia noong Hulyo 15 na pagsibak kay Major Roderick N. Corpuz bilang San Antonio Police chief na walang balidong kadahilanan kundi “kapritso” lang nito.
Nailipat si Corpuz sa Tarlac Police Provincial Office, makaraang mapasama sa police officers na umabot na umano sa “10 year limit per province” na kinukwestiyon ni Salonga dahil wala umano ito sa PNP law.
Inilarawan ng alkalde si Corpuz bilang “exemplary police officer” na naupo bilang officer-in-charge ng 6 buwan bago naging “full-fledged police chief” subali’t agarang nailipat sa gitna ng umiiral na COVID 19 crisis.
Ayon pa kay Salonga, may naitalagang bagong OIC na di siya nakokonsulta at tila naging dahilan ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bayan, dahil di gamay ang mga protocol na nailatag ng lokal na Inter Agency Task Force.
Ipinahayag ni Salonga na ang aksiyon ni Sermonia ay nagdulot ng “undue injury” sa bayan at walang batayang legal ang ipinairal na “10 year limit per province” sa PNP officers.
Iginiit ni Salonga na paglabag ang atas ni Sermonia dahil nakasaad sa section 3 ng Rep. Act 8551 na may partisipasyon ang local government executives sa pagpili ng itatalagang hepe.(PTF Team)